#KakampINC, trending matapos i-endorso ng Iglesia ni Cristo sina Marcos at Duterte
Pormal na inilabas ng samahang panrelihiyon na Iglesia ni Cristo o INC nitong Martes ng gabi (Mayo 3) ang kanilang “tagubilin,” o ang listahan ng mga kandidato na kanilang ine-endorso para sa magaganap na halalan sa Mayo 9.
Sa mga kandidato para sa nasyonal na posisyon, inendorso ng INC si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pagka-presidente at ang kanyang katambal na si Mayor Sara Duterte ng Davao City para sa pagka-bise presidente. Matatandaan na noong 2016 ay inendorso ng INC ang tambalang Rodrigo Duterte at Bongbong Marcos.
Sa mga kandidato sa pagka-senador, inendorso ng INC ang mga re-electionist na sina Sherwin gatchalian, Joel Villanueva, at Juan Miguel Zubiri. Suportado rin ng INC ang ilang dating senador na nagtatangkang bumalik gaya nina Congressman Alan Peter Cayetano ng Taguig, Sorsogon Governor Francis Escudero, Congresswoman Loren Legarda ng Antique, at ang magkapatid na Jinggoy Estrada at JV Ejercito.
May basbas rin ng INC ang kandidatura para sa senado nina dating Vice President Jejomar Binay, dating hepe ng Philippine National Police Guillermo Eleazar, aktor na si Robin Padilla, at dating Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar.
Gaya ng sa mga nagdaang halalan, hindi malinaw kung ano ang proseso at ang mga konsiderasyon na isinaalang-alang ng pamunuan ng INC sa liderato ng tagapamahalang pangkalahatan nito na si Ka Eduardo V. Manalo sa pag-endorso ng mga kandidato. Subalit kapansin-pansin na ang mga kandidatong inendorso ng INC ay siyang mga nangunguna ayon sa mga surveys.
Halimbawa, inendorso ng INC si Padilla sa kabila ng kawalan nito ng karanasan sa pulitika at hindi ang kasama nito sa “Uniteam” na si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro – isang bar topnotcher. Anong diperensya? Si Binoy ay nangunguna sa mga survey habang nasa kangkungan ang ratings ni Gibo! Masusing pagninilay o spiritual discernment nga ba ang basehan sa pag-endorso o tanging ang kakayahang manalo o winnability ng isang kandidato?
Bilang reaksyon sa pag-endorso ng pamunuan ng INC kina Marcos at Duterte, nag-trending sa social media ang pahayag ng ilang mga kapatid na nagsabing iboboto pa rin nila ang tambalan ni Vice President Leni Robredo at Senador Francis Pangilinan. May mga gumamit ng anonymous accounts subalit mayroon ring hindi na itinago ang kanilang pagkakakilanlan. Ginamit nila ang hashtag na #KakampINC.
Marahil may mga magsasabing dapat na lamang irespeto ang desisyon ng pamunuan ng INC sa mga inendorso nitong kandidato. Gayunman, dapat tandaan na hindi sila “immune” sa kritisismo dahil ang kanilang mga ginagawang pag-endorso ay nakakaapekto sa buhay ng lahat ng mga mamamayan ng bansa.