Problema ng bentilasyon sa mga paaralan, kailan at paano matutugunan?

Problema ng bentilasyon sa mga paaralan, kailan at paano matutugunan?

Idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagsisimula ng tag-init bago matapos ang Marso. Nitong mga nagdaang-linggo, maraming pamahalaang lokal at mga paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nag-abiso na pansamantala munang suspendido ang pagdadaos ng face-to-face classes dahil sa labis na init na nararanasan.

Bukod sa mismong temperatura, mas nabibigyan na ng pansin sa midya ang tinatawag na heat index na siyang tumutukoy sa antas ng init na ating nararamdaman. “The heat index, also known as the apparent temperature, is what the temperature feels like to the human body when relative humidity is combined with the air temperature,” ayon sa National Weather Service ng Estados Unidos.

Bagaman makabubuti para sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral na wala munang klase sa paaralan at manatili na lamang sila sa kani-kanilang mga bahay, hindi ito magandang balita kung titingnan ito sa konteksto ng disrupsyon sa klase. Matatandaang wala nang suportang binibigay ang Department of Education (DepEd) sa mga guro at mag-aaral para sa implementasyon ng blended learning mula noong 2022 kung kailan ipinag-utos ni Vice President at Kalihim ng Edukasyon Sara Duterte-Carpio na dapat na bumalik sa face-to-face classes ang lahat ng paaralan.

Ang implikasyon nito ay halos walang matututunan ang mga estudyante lalo pa’t matatapos na ang taong akademiko pagsapit ng Mayo 31. At dahil sa 2026 pa nakatakdang ibalik ng DepEd sa Hunyo ang pagsisimula ng taong akademiko, pagdating ng 2025 ay siguradong problema na naman ang labis na init na nararanasan sa mga paaralan. Gayunman, kailangang bigyan ng atensyon kung puno’t dulo ng sitwasyong ito, at ito ay ang matagal nang kawalan ng maayos na bentilasyon sa mga pampuklikong paaralan sa Pilipinas.

Unang nabanggit ang kawalan ng sapat na bentilasyon sa mga paaralan sa bansa noong pinag-uusapan pa ang mga hakbang na maaaring gawin para maging ligtas ang mga estudyante sa banta ng COVID-19. Sa totoo lang, matagal nang problema ang pagsisiksikan ng hanggang sa 80 estudyante sa isang silid-aralan. Mas nakakapagpalala pa ng sitwasyon ang madalas na kawalan ng umaandar na bentilador. Hindi nga ba’t inaasa sa donasyon ng mga magulang at mga sponsor ang pagbili nito kapag panahon ng Brigada Eskwela?

Siguro ay mababawasan ang disrupsyon sa klase kapag panahon ng tag-init kung masisigurado ang maayos na bentilasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bintana sa mga kuwartong kulob at paglalagay ng mga gumaganang bentilador sa bawat silid-aralan. Posible ring ikonsidera ang paglalagay ng air-conditioning units sa mga silid-aralan pero malaking gastos yan – bukod pa sa makakapagpalala ito sa krisis sa klima na ating narararanasan. Ang lahat ng solusyong nabanggit ay mangangailangan ng karagdagang pondo para magawa. Handa ba ang gobyerno para sa usaping ito?

“Like” The Filipino Scribe on Facebook!

About Author

Comments

comments

Mark Pere Madrona

The Filipino Scribe (TFS) is managed by Mark Pere Madrona, a multi-awarded writer and licensed professional teacher from the Philippines. Mr. Madrona earned his master’s degree in history from the University of the Philippines-Diliman last 2020. He obtained his bachelor’s degree in journalism cum laude from the same university back in 2010. His area of interests includes Philippine journalism, history, and politics as well as social media. Know more about him here: https://www.filipinoscribe.com/about/.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.