Walang magandang resulta ang ipinapatupad na 100% on-site reporting ng DepEd
Nasa dalawang linggo na mula nang biglaang iutos ng Department of Education (DepEd)-Central Office na dapat ay mag-100% on-site reporting na ang lahat ng guro sa mga lugar na nasa alert level 1 o siyang may pinaka-mababang posibilidad ng COVID-19 transmission. Ibig sabihin, tinatapos na ng DepEd ang sistemang work-from-home na dalawang taon nitong ipinatupad para sa mga guro.
Ito ay sang-ayon sa Department Memorandum #29 s. 2022 na inilabas ng ahensya noong Abril 6. Gaya ng naiulat sa media, malinaw na hindi pa handa ang mga paaralan para sa biglaang pagbabagong ito. Kadalasang problema ang mga sumusunod:
1) Malaking problema ang Internet connection. Bagaman may Internet subscription ang mga paaralan, hindi nito kayang suportahan ang sabay-sabay na paggamit ng mga guro. Dahil dito, maraming guro na gumagamit ng sariling data plan. Ibig sabihin, abonado na naman sila.
2) Kung mananatili sanang nasa work-from-home ay hindi ito problema. Maraming mga guro ang nagpakabit ng mas mabilis na Internet plan sa kanilang mga tahanan upang makasabay sa “new normal” ng edukasyon. Ang sapilitang 100% on-site reporting na biglaang ipinatupad ay abala sa mga estudyante dahil madalas ma-disconnect ang kanilang mga guro na nagsasagawa ng online class sa kanilang mga paaralan.
3) Makakonekta man sa Google Meet o Zoom ay hirap ring magkarinigan dahil tabi-tabi ang mga teachers habang nagkaklase sa mga classroom, sa corridor, at kung saan man bakante. Nariyan rin ang ingay mula sa mga gurong nag-uusap at iba pang mga nakakaabalang tunog mula sa kapaligiran.
4) Maraming mga guro na walang laptop kaya umaasa lang sila sa kanilang mga cellphone.
5) Problema rin ng maraming guro ang hindi pa ring maaasahang pampublikong transportasyon.
Paghuhugas-kamay ng liderato ng DepEd, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang may utos na 100% reporting dapat ang lahat ng mga empleyado ng pamahalaan na ang opisina ay nasa lugar na nasa ilalim ng alert level #1.
Nagtangka bang magpaliwanag ang DepEd sa IATF-EID at sa Civil Service Commission na ang trabaho ng mga pampublikong guro ay hindi maaaaring ikumpara sa trabaho ng mga nasa ibang ahensya ng pamahalaan? Bakit ipipilit ang 100% on-site reporting kung ang mga estudyante naman ay mananatili sa online learning modality?
Dapat sana ay nagkaroon muna ng konsultasyon ang liderato ng DepEd sa mga stakeholders gaya ng mga guro bago magpatupad ng ganitong polisiya na maihahalintulad natin sa trial-by-error. Sana ay makinig sila sa nararanasan ng kanilang mga frontliners sa halip na asahan ang bulag na pagsunod ng mga guro sa kanilang mga kautusang walang lohika.