Hindi dapat ituloy ang 100% on-site reporting sa mga pampublikong guro
Matapos ang dalawang taon sa work-from-home set-up, nitong linggo ay nagsimula nang magtrabaho mula sa kanilang mga paaralang pinapasukan ang mga pampublikong guro.
Ito ay bilang pagtalima sa Department of Education memorandum #29-2022 na nilagdaan ni Education Secretary Leonor Briones noong Abril 6 na nagsasaad na dapat ay mag-100% on-site reporting na ang lahat ng guro at iba pang empleyado ng paaralan basta nasa alert level 1 ang lungsod o lalawigan.
Mariing tinutulan ito ng mga organisasyon ng mga guro gaya ng Alliance of Concerned Teachers at Teachers’ Dignity Coalition. Maging ang mga guro ay nagpahayag rin ng kanilang mga negatibong opinyon sa pamamagitan ng social media.
Para sa akin, hindi na akma na isige pa ang 100% on-site reporting ng mga public school teachers ngayong huling quarter na ng school year 2021-2022.
Ito ang ilan sa mga problemang sa palagay ko ay hindi naisa-alang-alang ng mga nasa likod ng DepEd Order na ito, lalo na ni Education Secretary Leonor Briones:
1) Walang magandang internet connection sa ating mga paaralan, kahit na sabihing may Smart pocket wifi naman lahat. Malaking hadlang ito sa pagdadaos ng online classes.
2) Maraming mga guro na walang laptop at naka-depende sa desktop, at sila ay hindi makakapag-daos ng klase maliban na lang kung may ipapagamit na desktop o laptop ang mga paaralan.
3) Problema rin ang kakulangan ng espasyo para sa mga guro na sabay-sabay magdadaos ng online classes sa mga paaralan.
4) Hindi pa rin 100% na maaasahan ang pampublikong transportasyon sa bansa. Problema ito lalo’t hindi naman lahat ng public school teacher ay nakatira na “walking distance” mula sa kung saan sila nagtuturo. Lalo namang hindi lahat ay may sasakyan.
5) Paano ang kapakanan ng mga gurong senior citizens at may comorbidity?
6) Ano ang protocol para sa mga gurong baka magka-COVID sa pagganap ng tungkulin? Maliban sa pagsasabing pwede nilang gamitin ang kanilang mga service leave credits, ano pang mga tulong ang maaasahan ng mga guro mula sa DepEd?