EDITORYAL: Dapat ring bigyang-pansin ang lokal na halalan – #BotongPinoy2022
“All politics is local,” ayon kay Tip O’Neal na dating House Speaker ng Estados Unidos.
Ngayong araw ang opisyal na simula ng campaign period para sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon. Naka-pokus ang atensyon ng lahat sa halalan sa pagka-presidente at bise presidente, pero hindi natin pwedeng kalimutan ang mga lokal na karera at ang mga kumakandidato dito.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga lokal na lider sa ating buhay. Kasama na rito ang mga gobernador, bise gobernador, mga bokal, mga kinatawan sa kongreso, mayor, vice mayor, at mga konsehal.
Sila ang nagtatakda ng mga proyektong kailangang mapatupad sa kanilang nasasakupan gaya ng mga ospital, paaralan, kalsada, etc. Idagdag natin dyan na sila ang gumagawa at nagpapatupad ng mga ordinansa tungkol sa kung ano-anong bagay gaya ng pagsusuot ng face mask, curfews, pamasahe ng tricycle, at kung ano pa.
Dahil nasa pandemya pa rin tayo, sila rin ang mamamahala sa distribusyon ng bakuna, ayuda, at kung paano makakabangon ang lokal na ekonomiya lalo’t mukhang tuloy-tuloy na ang pag-ahon ng bansa mula sa pandemya.
Sana pag-aralan ng ating mga kababayan ang kaakibat na responsibilidad ng mga pwestong sinusubukang sungkitin ng mga kandidatong tumatakbo para sila ay mas makapag-desisyon ng wasto kung sino ang nararapat dito.