Ngayong linggo, nagtaas ang mga kompanya ng langis ng hanggang sa P15/litro. ANila, ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa world market bunsod ng tinatangkang pananakop ng Russia sa Ukraine.
Nagkalat sa social media ang larawang kuha mula sa mga gas station kung saan makikitang halos P90 na ang kada litro ng diesel na siyang pinakaginagamit sa mga pampublikong sasakyan. Grabeng apektado ang mga pumapasadang tsuper na sa totoo lang ay hindi pa nga nakakabiyahe talaga ng full capacity dahil sa pandemya.
Sa kasamaang palad, mistulang naka-
autopilot mode na ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng krisis sa langis. Sa isang panayam sa ABS-CBN News, ito lamang ang nasabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi: “Practice efficient use and conservation of fuel. Avoid unnecessary trips. Staggered increase will depend on the industry players.” Kung hanggang ganyan lang ang kayang magawa ni Cusi, ano ang pinagkaiba nya sa mga TV hosts na nagbibigay lang ng “tipid tips”?
Bagaman wala talagang kontrol ang pamahalaan ng Pilipinas sa paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, marami pa rin itong maaaring gawin upang maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino. Nariyan ang pagsunod sa mga suhestiyon na suspendihin muna ang ipinapataw na excise tax para sa mga produktong petrolyo. Dapat ring imbestigahan kung nagsasagawa ng overpricing ang mga kumpanya ng langis.
Tama lang ring pagbigyan ang petisyon ng mga drayber ng jeep na magtaas ng pamasahe. Kung hindi man, dapat may asahan silang ayuda mula sa pamahalaan. Dapat tandaan na sa laki ng tinaas ng presyo ng langis, madadamay diyan lahat ng bilihin ng mga tao. Dapat ring alalahanin ng lahat na ang kasalukuyang minimum wage ay napako na sa P537 mula pa noong 2018.
Nakakagalit nga lamang na kung kailan posibleng magtataas ang presyo ng pamasahe dahil sa malaking talon sa presyo ng langis, saka naman gustong wakasan ng pamahalaan ang “work-from-home” arrangement sa mga call center agents. Masakit man marinig, ang bansa ay pinamumunuan ng mga inutil at manhid sa tunay na kailangan ng bayan.
Hindi pa ba nasasawa ang mga mamamayan sa ganitong klaseng liderato sa nagdaang anim na taon? Kakayanin pa ba ng bayan kung mas malala pa ang papalit?
About Author
The Filipino Scribe (TFS) is managed by Mark Pere Madrona, a multi-awarded writer and licensed professional teacher from the Philippines.
Mr. Madrona earned his master’s degree in history from the University of the Philippines-Diliman last 2020. He obtained his bachelor’s degree in journalism cum laude from the same university back in 2010. His area of interests includes Philippine journalism, history, and politics as well as social media.
Know more about him here: https://www.filipinoscribe.com/about/.
Like this:
Like Loading...
Comments
comments