PATAS DAPAT: Huwag iboto ang mga kandidatong mandaraya sa buwis
Ayon kay Benjamin Franklin, isa sa pinakamahalagang personalidad sa kasaysayan ng Estados Unidos, “In this world nothing can be said to be certain, except death and taxes.” Idiniin naman ng manunulat at kandidato sa pagka-senador na si Alex Lacson sa mga Pilipino ang kahalagahan ng pagbabayad ng buwis sa kanyang aklat na “Twelve Little Things Every Filipino Can Do to Help Our Country.”
Sa tuwing matatanggap ng mga manggagawa at empleyadong Pilipino sa pampubliko at pribadong sektor ang kanilang buwanang sahod, nakakaltas na roon ang withholding tax. Walang lubusang masaya tungkol sa pagbabayad ng buwis, pero tungkulin natin ito bilang mamamayan ng Pilipinas.
Turo nga sa atin mula pa noong elementarya at hayskul, ang buwis na binabayad ng mga mamamayan at mga negosyo ang nagsisilbing dugo o lifeblood na nagpapatakbo sa pamahalaan. Masakit man sa bulsa ang libo-libong ibinabayad natin sa buwis taon-taon pati na ang nakapataw sa mga bilihin at serbisyong ating tinatangkilik, pampalubag-loob na sa mga mamamayan na nagkakaroon ng pondo ang pamahalaan para makapagpatayo ng mga proyektong pang-imprastraktura gaya ng mga kalsada, ospital, at paaralan.
Sa kasamaang palad, talamak ang pandaraya sa pagbabayad ng buwis. Noong 2013, sinabi ng noo’y National Treasurer Rosalia de Leon na nasa P400 bilyon ang nawawala sa gobyerno dahil sa tax evasion. Idagdag pa sa problema na malaking bahagi ng buwis na binabayaran ng mga Pilipino ang napupunta lamang sa mga magnanakaw sa pamahalaan. Noong 2019. sinabi ni Deputy Ombudsman Cyril Ramos na ika-anim ang Pilipinas sa buong Asya-Pasipiko sa larangan ng korapsyon. Sinabi pa niyang nasa P700 bilyon ang nawawala taon-taon dahil dito.
Walang kuwestiyon na kailangan ng pamahalaan ang ating ibinabayad na buwis para mapondohan ang mga proyekto nito lalo sa aspekto ng agham at teknolohiya, edukasyon, at kalusugan. Dahil dito, nararapat lamang na ang mga mauupo sa gobyerno lalo na sa mga pinakamatataas na posisyon ay ang mga taong nakakaintindi at sumusunod sa obligasyon ng mga mamamayan na magbayad ng buwis. Hindi dapat iboto iyang mga kandidatong napatunayan ng hukuman na nanlamang at gumamit ng impluwensya upang maka-iwas sa responsibilidad na ito sa loob ng maraming taon. Patas dapat.