Office of the Solicitor General, nanindigang natural-born Filipino si Poe
Tama lamang ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa pagsasabing natural-born Filipino si Grace Poe at samakatuwid ay kwalipikadong humawak ng pwesto sa Senado o tumakbo sa pagka-pangulo sa halalan sa Mayo.
Ito ay iginiit ng Office of the Solicitor General (OSG) sa kanilang isinumiteng komento sa Korte Suprema hinggil sa apela ni Rizalito Yap David sa desisyon ng SET na nagbabasura sa kanyang disqualification case laban kay Poe. Si David ay tumakbo rin ngunit natalo sa pagka-senador noong 2013.
Ayon sa OSG, walang naganap na grave abuse of authority sa panig ng SET ng nagdesisyon ito sa botong 5-4 pabor kay Poe noong Nobyembre. Unang binigyang diin ng OSG na natural-born si Poe kahit na sya pa ay isang foundling (tumutukoy sa mga sanggol na inabandona ng kanilang mga magulang) ayon sa atas ng 1935 constitution.
Dagdag pa ng OSG, bagaman hindi naka-esplika sa Konstitusyon ng 1935 ang tungkol sa foundlings ay malinaw umano sa deliberasyon ng mga bumuo dito na para sa kanila ay nararapat ituring na natural-born citizens ang mga batang inabando ng kanilang magulang sang-ayon na rin sa mandato ng mga batas internasyunal.
“This evident concern to recognize foundlings as citizens under the [1935] Constitution is founded on a fundamental question of injustice inflicted on innocent children abandoned by their parents, who, in all likelihood, have Filipino parents. The recognition of their status as Filipinos, therefore, not only flows from practical reason—the near-certainty that their parents are Filipinos—but also from the need to address a basic question of justice: how to reduce the systemic unfairness suffered by foundlings,” paliwanag ng OSG.
Ipinaliwanag ng OSG na ang Konstitusyon ng 1935 ang batayan ng pagka-Pilipino ni Poe sapagkat ito ang umiiral na Saligang Batas nang siya ay natagpuan noong 1968 sa Jaro, Iloilo.
Ang OSG ang kumakatawan sa mga ahensya ng pamahalaan sa mga kinasasangkutan nitong kaso sa Korte Suprema. Ang nasabing tanggapan ay kasalukuyang pinamumunuan ni Solicitor General Florin Hilbay.
[scribd id=294626013 key=key-7mwO9xaPQSkV1m2jymAR mode=scroll]
Binatikos rin ng OSG ang labis na atensyong ibinibigay sa pagiging purong Pilipino ng Senadora ng kanyang mga kritik0. “One must therefore be similarly mindful of the almost comical scale which we are scrutinizing the purity of [Poe’s] blood, as if purity of blood were a standard for capacity to govern—as if our nation belonged to House Slytherin,” komentaryo ng OSG.
Inihalimbawa ng tanggapan sa puntong ito ang hilig ng mga Pilipino na angkinin bilang “Pinoy Pride” ang mga may lahing Pilipino kahit kaunti basta sila ay nakakapag-pakitang gilas sa internasyunal na larangan katulad ng mga singer na sina Jasmine Trias at Jessica Sanchez, Miami Heat head coach Erik Spoelstra, at ang mamamahayag na si Jose Antonio Vargas.
“This scrutiny assumes an ironic twist when considered against the backdrop of aggressive attempts to justice the Filipino citizenship of others just so we may, as a nation, improve our athletic or cultural profile,” ayon sa OSG. Itinakda ng Korte Suprema ang pagdinig sa mga hamon sa kandidatura ni Poe sa Enero 19.
LIKE ‘THE FILIPINO SCRIBE’ ON FACEBOOK!