FULL TEXT | President Noynoy Aquino’s sixth State of the Nation Address
Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Senate President Franklin Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker Feliciano Belmonte, Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal ko pong kababayan:
Ito ang aking ikaanim na SONA. Muli akong humaharap sa Kongreso at sa sambayanan upang iulat ang lagay ng ating bansa. Mahigit limang taon na ang lumilipas mula nang itinigil natin ang wang-wang, hindi lang sa kalsada, kundi sa buong lipunan; mula nang pormal tayong nanumpang labanan ang katiwalian upang masugpo ang kahirapan; at mula nang natuto muling mangarap ang Pilipino. Mga Boss, ito ang kuwento ng ating paglalakbay sa Daang Matuwid.
Nito lang pong Biyernes, pinasinayaan natin ang Muntinlupa-Cavite Expressway. Una po ito sa nakapilang Public-Private Partnerships na tayo ang nag-apruba, at sa ilalim ng administrasyon natin binuksan sa publiko. Sa ating mga sinundan: Halos magmakaawa ang pamahalaan sa pribadong sektor na lumahok sa proyekto. Ngayon sila na ang sumusuyo—dito nga po sa MCX, binayaran pa tayo ng premium na 925 million pesos para sa pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Sa taas din ng kumpiyansa nilang kikita ang proyekto, sabi ng private proponent, libre na ang unang buwan ng toll sa MCX.
Talaga nga pong napakalayo na ng ating narating. Para isakonteksto ito, magbalik-tanaw tayo.
Dinatnan natin ang taumbayang namanhid na sa walang-humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw.
Ipinagmalaki sa ating sapat na raw ang mga classroom. Iyon pala, umaabot sa apat na shift ang mga klase. May pumapasok nang madilim pa, at may umuuwing madilim na—pero lahat sila, naiiwan sa dilim dahil hindi sapat ang oras ng pag-aaral.
“Uninterrupted growth” ang ibinida ng ating sinundan sa kanyang huling SONA. Pero nang suriin po, malaking bahagi pala nito ay galing sa remittances ng mga taong nawalan ng pag-asa sa Pilipinas. Ika nga po, “People were voting with their feet.” Kung gagayahin ko ang ganitong estilo, kikilabutan akong angkinin ang tagumpay na nagmula sa pagpapalayas ng ating mga kababayan.
Nang papalapit ang eleksyon ng 2004, lampas 700 milyong piso ang diumano’y pinambili ng fertilizer na di-angkop sa pananim, sobrang taas ng presyo, at sa maraming pagkakataon ay hindi man lang nasilayan ng mga magsasaka. Sino kaya ang napataba ng patabang ito? Klarong hindi pananim o magsasaka. Naaalala rin po siguro ninyo ang NBN-ZTE scandal. Inimbestigahan namin ito sa Senado; may nagsabing siya raw ay tinangkang suhulan. Nang usisain, ayaw namang magsalita dahil may executive privilege daw siya. Hindi rin naman maipatawag ang dating Pangulo—kaya nga ang natirang matatanong ay ang alipores niyang akusado ng panunuhol. Natural, itinanggi niya ang paratang.
Noong mga panahong iyon, miski bata, natutuhan na ang salitang “scam.” Naaalala siguro ninyo: Ang Hello Garci, na sinagot lang ng “I am sorry.” Ang mga tunay na bank account ng bogus na si Jose Pidal. Ang tinangkang Constitutional Assembly para habambuhay na manatili sa puwesto. Ang EO 464 na nagtangkang supilin ang katotohanan. Ang pagdeklara ng State of Emergency, para umilag sa checks and balances ng 1987 Constitution ukol sa Martial Law. Ang midnight appointments. Ang Calibrated Preemptive Response na ginamit laban sa mga nagpoprotesta. Sa wika pa lang po, mali na ito. Paano nauuna ang response? Para mo na ring sinabing nag-reply ka sa taong hindi ka naman tinext.
Ito po ang mga headline na araw-araw nating inalmusal bago tayo manungkulan. Pag-upo naman natin sa puwesto, sunod-sunod nating nadiskubre ang kalokohan ng ating pinalitan. Nabanggit ko na po sa mga nakaraang SONA: Sa NFA, pinalobo ang utang mula 12.3 billion pesos noong 2001, patungong 176.8 billion pesos noong Hunyo 2010. Sinabayan ito ng sobra-sobrang pag-angkat ng bigas na nabulok lang sa kamalig. Sa PAGCOR, isang bilyong piso para sa kape. Sa MWSS: Patong-patong na pabonus. Sa Laguna Lake: higit sa 18 bilyong piso ang tinangkang lustayin sa paglalaro ng putik. Di ko nga po lubos maisip kung paanong naatim ng mga pasimuno nito ang makinabang sa pagdurusa ng ating mga kababayan.
Bawat opisyal ng gobyerno, nanunumpang maging makatarungan sa kapwa at sumunod sa batas. Pero klaro: Ang ginawa ng nauna sa atin, kabaliktaran nito. Nakita natin ang pinakamasahol na ehemplo noong Nobyembre ng 2009, nang pinaslang ang 58 na Pilipino sa Maguindanao. Isipin lang ito, mali na. Ginawa nila, lalong mali pa. Pero ang matindi po: Naniwala silang malulusutan ito, dahil nasa poder sila—kaya nila itinuloy. Ilang halimbawa pa lang po ito; napakarami pang iba.
Sa ganitong situwasyon, masisisi ba natin ang mga kababayang lumikas na dahil walang makitang pag-asa?
Gaya ninyo, sumagi rin sa isip kong sumuko. Nang pumanaw ang aking ina, lalo pang nabawasan ang ating kumpiyansa; nawala ang aming pinuno at inspirasyon sa pagtutulak ng pagbabago. Sa burol niya, may lumapit sa akin at nagmungkahing tumakbo raw po ako sa pagka-Pangulo. Ang sagot ko: hindi naman ako masokista. Kasama ako sa nagpapahinto ng mga ginawang mali; batid ko ang lubha ng sitwasyon. Tiyak ko ring may mga detalye pang inilihim sa atin, at sadya ngang mas malaki pa sa ating nalalaman ang problema. Nang ako nga po ay tawagin ninyo para maglingkod, ang naging tanong ko: Kung hindi agad malutas ang problema, gaano kahaba ang magiging pasensya ng aking mga Boss, bago nila ibaling ang galit sa akin?
Isa sa mga nakakumbinsi sa akin si Alex Lacson. Ang sabi niya: “Simulan mo lang ang pagtigil sa pang-aabuso, sapat na. To stop the hemorrhaging would be enough.”
Pakinggan po natin siya: [VIDEO 1: ALEX LACSON]
Noon pa man, alam na nating katiwalian ang ugat ng pagdurusa. Kaya nga, ang sigaw po natin: Kung walang corrupt, walang mahirap.
Matinding pagsisikap, tapang, political will, at tiwala sa Diyos at kapwa ang kinailangan upang isabuhay ang kaisipang ito. Siyempre po, ang mga dalubhasa ng lumang kalakaran, hindi maamong tupang papayag na lang matigil ang pagkakataon nilang magsamantala. Ginamit at patuloy nilang ginagamit ang impluwensiya at salapi upang labanan ang agenda ng pagbabago. Ginamit din nila ang poder para maghanda ng mga salbabida sa panahon ng paghuhusga.
Ang Ombudsman na itinalaga para bantayan ang katiwalian, diumano’y nagbulag-bulagan sa mga eskandalo ng nakaraang administrasyon. Na-impeach siya sa Kamara, at nagbitiw sa puwesto bago malitis ng Senado. Ang Punong Mahistradong tila ba may pagkiling sa nag-appoint sa kanya, ay napatunayang naglihim ng yaman at ari-arian sa SALN, na-impeach ng Kongreso at na-convict sa Senado.
Kapalit nila, nagtalaga tayo ng mga taong may integridad at sariling pasya. Ang bagong Ombudsman: si Conchita Carpio-Morales. Ang bagong Chief Justice: si Ma. Lourdes Sereno. Ngayon, may sapat na panahon na siyang magpatupad ng reporma sa Hudikatura.
Pati po sa ibang ahensya, nagtalaga tayo ng tapat at matatapang na pinuno. Sa COA, agad nating inilagay si Chairperson Grace Pulido-Tan. Sa Ehekutibo naman, nag-appoint din tayo ng mga palaban: Si Commissioner Kim Henares sa BIR, at si Secretary Leila de Lima naman sa Department of Justice. Wala silang inatrasan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sa inyong lahat, isang taos-pusong pasasalamat.
Sa itaas, gitna, o ibaba ng burukrasya, napakarami nang sinuspinde, tinanggal sa puwesto, sinampahan ng kaso, o di kaya’y nasa piitan. Kung may nagdududa pang tunay nang nakapiring ang katarungan, maganda po sigurong ituon nila ang pansin sa tatlong senador na kasalukuyang naka-detain, at sa dating pangulong naka-hospital arrest.
May mga magsasabi: mag-move on na raw tayo. Ako naman po ay naniniwala sa sinabi ni George Santayana: Ang makalimot sa mali ng nakaraan, garantisadong uulitin ito.
Tingnan po ninyo ang ginagawa ng mga nagkasala sa atin. Una, ipinapalimot ang kanilang mga nagawa. Pagkatapos, sasabihin nila, “Kawawa naman kami.” Sinamantala na nga tayo, sinasamantala pa ang likas nating pagkamaawain, para tuluyang makatakas sa pananagutan. Ang kasunod, gagawa sila ng paraan para makabalik sa poder. Di ba’t iyan naman talaga ang kanilang master plan, upang patuloy pa tayong pagsamantalahan?
Natutuhan ko nga po sa aking mga magulang, sa simbahan, at sa mga proseso ng batas: Anumang paghihilom ay nagsisimula sa pag-amin at pagsisisi ng nagkasala. May naalala ba kayong nagsabing, “Sorry sa pagnanakaw at pang-aabuso, handa na akong magbago”? Ang sa akin lang po: Makakamove-on lang tayo kapag nakamtan ang katarungan.
Nagpatuloy nga po ang pagsasaayos ng mga institusyon, upang muli silang maituon sa tunay nilang mandato. Halimbawa: Sa Government Owned and Controlled Corporations. Ang mga itinalaga dito, nanumpang pangalagaan ang yaman ng bayan. Ang masakit, miski nalulugi na nga ang mga GOCC, kaliwa’t kanang benepisyo’t insentibo pa ang ipinamudmod nila sa kanilang sarili. Kumbaga sa baka, habang ginagatasan ang institusyon, gusto pang karnehin. Kaya ang dibidendo ng nakaraang administrasyon, 84.18 billion pesos lang sa loob ng siyam at kalahating taon.
Sa atin, nabawasan na ang GOCC’s sa pagpapasara ng mga nawalan na ng saysay, pero dahil pinatino ang palakad: Umabot na sa 131.86 billion pesos ang dibidendo sa loob ng 5 taon mula nang tayo’y maupo. Hindi nga po malabong bago tayo bumaba sa puwesto ay madodoble na natin ang dibidendo ng ating pinalitan, na mas mahaba ang panahon para mag-ipon.
Ganitong paninindigan din ang ipinamalas natin sa BIR, na siyang pinakamalaking revenue generating agency ng pamahalaan. Dumating tayong pinakamataas na sa kasaysayan ang 778.6 billion pesos na koleksyon noong 2008. Tinambakan natin ito. Noong 2012, 1.06 trillion pesos ang nakolekta ng BIR—ang unang pagkakataon sa kasaysayang tumawid ng 1 trillion pesos ang ating koleksyon. Nitong nakaraang taon, umakyat na ito sa 1.3 trillion pesos, at aabot pa sa 1.5 trillion pesos ang malilikom ngayong 2015. Limang taon lang ang kinailangan para mapantayan, mahigitan, at halos madoble ang pinakamalaking nakolekta ng ating sinundan. Nagawa ito nang tumutupad sa pangakong di magpapataw ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax Reform.
Paano narating ito? Simple lang po: Si Comm. Kim Henares, walang tax evader na sinanto. Ngayon, 380 kaso na ang naisampa laban sa mga nagtangkang umiwas sa buwis. Ginawa rin niyang episyente ang sistema ng pagbabayad ng buwis, at sinigurong malinaw sa lahat ang kanilang tungkuling makiambag sa pag-angat ng bansa.
Sa Pambansang Budget: Sa ilalim ng pinalitan natin, laging reenacted ang bahagi o kabuuan nito. Noong 2007, halimbawa, halos Abril na naaprubahan ang GAA. Masama na po, na ang mga proyektong natapos na ay pinondohang muli. Ang mas malala: Pati ang Maintenance and Other Operating Expenses, kabilang na ang pasahod, ay kasama sa reenacted budget na ito. Ibig sabihin, ang nakasahod na ng unang tatlong buwan ng 2007, pinaglaanan pa ulit ng pondo. Saan kaya napadpad ang sobrang hiniling?
Ang napatunayan natin: Kung makatuwiran ang mungkahi ng Ehekutibo sa budget, maayos ang magiging diyalogo sa mga miyembro ng Kongreso. Agarang maipapasa ang GAA, mas mapapabilis ang pagdating ng serbisyo sa ating mga kababayan, at mas maagang maiibsan ang kanilang paghihirap.
Naging malinaw ang mensahe: Seryoso tayo sa pagbabago; patas ang laban dito. Ang resulta: kumpiyansa sa ating ekonomiya.
Nang nagsisimula pa lang tayo, hindi ko inasahang manunumbalik agad ang tiwala ng mundo sa Pilipinas. Ang inisip ko lang po noon: Itigil ang kalokohang umiiral sa sistema, para mahinto ang palubog nang sitwasyon ng ating kababayang naghihikahos sa kahirapan. Sumagi man lang ba sa isip ninyo na magtutuloy-tuloy ang pag-angat natin sa global competitiveness rankings, at magiging tanyag tayo dahil sa bilis ng paglago ng ating ekonomiya? Ngayon, ang Pilipinas, nabansagan nang “Asia’s Rising Tiger,” “Asia’s Rising Star,” at “Asia’s Bright Spot.”
Ngayon nga po: Sa kauna-unahang pagkakataon, investment grade na tayo ayon sa mga pinakatanyag na credit rating agencies. Malinaw ang sinasabi nito sa mga negosyante: Sulit mamuhunan sa Pilipinas; nabawasan na ang peligro sa pagnenegosyo dito. Ngayon, mas mababa ang interes at mas mahaba ang panahon ng pagbabayad ng utang, na nakakaengganyo sa mga negosyanteng tumaya sa Pilipinas. Sa pagtatayo at pagpapalawak ng negosyo, sisigla ang kalakalan, lalakas ang kompetisyon, at dadami ang oportunidad. Lahat ito, direktang resulta ng pagsusulong ng reporma sa Daang Matuwid.
Tingnan po natin: Noong 2010, nasa 1.07 billion dollars lang ang net foreign direct investments na pumasok sa ating bansa. Noong 2014, pumalo ng 6.2 billion dollars ang net foreign direct investments. Ito ang pinakamataas na naitala sa ating kasaysayan.
Pati sa domestic investments, napakasigla ng mga numero; ngayon, ang Pilipino, tumataya sa kapwa Pilipino. Ikumpara natin: Mula nang una itong itala noong 2003 hanggang sa pag-upo natin noong 2010, 1.24 trillion pesos lang ang approved na domestic investments. Mula naman third quarter ng 2010 hanggang 2014, ang ipinasok na puhunan ng ating mga kababayan sa merkado: 2.09 trillion pesos.
Sa manufacturing naman po: Aaminin ko, noong unang nanungkulan tayo, isa sa mga pinakamalaking palaisipan ang pagbabalik ng sigla sa sektor na ito. Humarap sa maraming hamon ang mga industriya: Kuryente pa lang, napakamahal na nga, di pa tiyak. Di rin po biro ang pagtatayo ng pasilidad, dahil malaking puhunan ang kailangan para sa mga makina at pagsasanay ng mga tao. Kaya po ultimo low-tech na electric fan noon, kinailangan pa nating angkatin.
Dahil sa repormang nagpanumbalik ng kumpiyansa sa ating bansa, lumago ang manufacturing sector. Ang 3 percent annual average growth ng sektor mula 2001 hanggang 2009, naiangat natin sa 8 percent mula 2010 hanggang 2014.
Malinaw po: Kaya nang makipagsabayan ng Pilipino. Dati, ang tanging bentahe natin ay ang mababang pasahod sa ating mga manggagawa. Ngayon, dinadala na rin dito ang mga pabrika ng hi-tech na kagamitan: mula sa mga bahagi ng eroplano, electric tricycle, mga printer, at iba pang digital media products, hanggang sa high-quality medical devices gaya ng aortic catheter, at gamit para sa in vitro diagnostics at hemodialysis treatment.
Pakinggan po natin kung gaano kalinaw ang pagbabago: [VIDEO 2: PETER PERFECTO]
Alam po natin: Ang pangunahing sukatan kung tunay na tumatalab sa karaniwang Pilipino ang pag-unlad ay ang nalilikhang trabaho. Suriin natin ang pagbabago sa aspektong ito.
Taon-taon, mahigit 800,000 ang mga bagong pasok sa ating labor force. Idagdag na rin po natin diyan ang naiulat na pagkaunti ng Overseas Filipinos. Noong 2011, nasa 9.51 million ang naitalang Overseas Filipinos ng Department of Foreign Affairs. Sa huling datos naman ng Disyembre ng 2014, nasa 9.07 million na lang ito. Hindi kalabisang isiping marami sa tinatayang 440,000 nabawas sa kanila ay bumalik sa Pilipinas, at naghanap ng trabaho.
Bagamat may bagong salta sa merkado, mga balikbayan, at dati nang walang trabaho, ang unemployment rate, bumaba sa 6.8 percent noong nakaraang taon. Ito ang pinakamababa sa loob ng isang dekada. Linawin ko rin po: Permanenteng trabaho ang nalikha natin; hindi tayo nag-hire ng magwawalis ng kalsada tuwing survey period, para kargahan ang resulta.
Kaakibat ng paglikha natin ng trabaho ang maaliwalas na ugnayan ng manggagawa at negosyante. Ikumpara po natin. Noong siyam at kalahating taon ng nakaraang administrasyon, ang natuloy na labor strike: 199, o halos 21 kada taon. Sa limang taon po natin, ang suma-total ng nag-strike: 15 lang. Noon nga pong 2013, ang nag-strike sa buong bansa: isa. Ito ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOLE.
Kaya talaga naman pong bilib tayo kay Secretary Linda Baldoz, at sa sektor ng manggagawa at mga nangangasiwa. Kay Sec Linda: Hindi ka lang magaling; napakadali mo pang katrabaho dahil lagi kang positibo. Ikaw na nga ang tinagurian kong Pastora ng Gabinete. Maraming salamat sa iyo.
Talagang napakalaki na nga po ng pagbabago. Noon, ang mga signage na lagi nating nakikita, “No Vacancy”. Ngayon, nagkalat ang mga anunsyong “For Immediate Hiring”; magbukas ka lang ng dyaryo, makikita sa classified ads ang maraming kompanyang naghahanap ng mae-empleyo. Ang iba nga, pagandahan pa ng insentibo. Merong magpa-interview ka lang, ililibre ka na ng almusal. Kapag na-hire naman, sagot na rin nila ang blow-out para ipagdiwang ang bago mong trabaho.
Nabanggit nga po sa akin ng ilang negosyante na pahirapan na ngayong makahanap ng accountant. Nang bumisita tayo sa Bicol University, naikuwento ko ito sa kanilang presidente. Tanong ko: Di ba meron kayong accountancy program? Meron daw, pero kahit sila ay nahihirapang punuin ang sariling accounting department. Bakit? Kasi ang mga estudyante nila, nasa 3rd year pa lang, nire-recruit na ng mga accounting at auditing firms.
Nagawa po ito dahil sa pagtugon sa tinatawag na job-skills mismatch. Dati, maraming nagsasabing wala silang trabaho, kahit napakarami namang bakanteng posisyong nakatala sa PhilJob-Net na hindi napupunuan. Ang simpleng dahilan: Hindi tugma ang kakayahan ng ating mga kababayan sa hinahanap ng merkado. Simple lang din po ang solusyon dito: Kausapin ang mga prospective employer, para malaman kung anong klaseng kaalaman ang hinihingi ng mga posisyong binubuksan nila. Dito naman tayo nagsasanay ng trainees, upang masagad nila ang oportunidad.
Ang prinsipyo ng ating pamumuno: Sa halip na bigyan ang kapwa ng isda, turuan siyang mangisda. Ang pag-unlad at pagkakataon, sinisiguro nating masasagad ng ating mga kababayan. Hindi puwedeng daanin sa trickle down, “bahala na” o “sana” ang pag-abot nito sa mga pinakamahirap. Ang paninindigan natin: inclusive growth.
Ang agenda: ayuda, kaalaman, kasanayan, at kalusugan, para walang maiiwan. Ang isa sa mga mekanismo: Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Pinalawak natin nang husto ang saklaw nito. Ngayon, nasa mahigit 4.4 million na ang kabahayang nakikinabang sa programa. Malayong-malayo ito sa dinatnan nating 786,523 lamang na kabahayan. Nitong taon, 333,673 ang nagtapos sa high school; kabilang sila sa unang batch ng ating mga benepisyaryo sa pinalawak na Pantawid Pamilya. 13,469 sa kanila ang tumanggap ng honors at iba’t ibang gantimpala. Iyon nga pong dalawang benepisyaryong nakilala ko, nakapasok sa quota course na Civil Engineering sa UP.
Ang lahat po ng benepisyaryong ito, tataas ang antas ng kaalaman; sa halip na menial jobs ang pasukan ay malamang makakuha sila ng mga trabahong maaayos ang mga suweldo. Income tax pa lang nila, bawi na ang puhunan ng estado, at maitutuloy natin ang siklo ng pagbibigay-lakas sa mga nangangailangan. Bonus pa po ang lalong magandang kinabukasang nag-aabang para sa mga honor students na pinagtapos ng programa.
Pakinggan po natin ang isang natulungan ng Pantawid Pamilya: [VIDEO 3: CCT HONOR GRADUATE – ALYANNAH TERITE]
Sa Pantawid Pamilya, kapalit ng tulong sa mga benepisyaryo, pangunahin nilang dapat tutukan ang pag-aaral ng mga anak. May paunang bunga na po ito: Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, noong 2008, mayroong 2.9 million na out of school children sa ating bansa. Lumaki ang ating populasyon, pero noong 2013, ang natirang out of school children, 1.2 million na lang. Idiin po natin ang diperensya: 1.7 million. Para po nating pinuno ng estudyante ang humigit-kumulang 42,500 na bakanteng classroom. Siyempre, bukod sa Pantawid Pamilya, may kontribusyon din ang Alternative Learning System para masigurong pati ang mga katutubo at street children ay hindi napapag-iwanan.
May mga nagtatanong pa nga rin po: Nasaan ang resulta ng Pantawid Pamilya? Naman. Ang akala kaya nila, itong Pantawid Pamilya ay parang mahiwagang tabletang kapag ininom ng kinder, pagkatapos ng ilang oras ay college graduate na? Tulungan natin silang magbilang: 13 taon ang K to 12, samantalang 6 na taon lang ang aking termino. Nahahalata tuloy kung sino ang nambobola.
Ang lakas din ng loob ng ibang ipagsigawan: May leakage daw ang Pantawid Pamilya. ‘Yun pala, para makapangutya sila, 2009 datos ang ginamit. Paalala lang po: Kalagitnaan ng 2010 nang ako’y naging Pangulo; mukhang ibang pinuno ang dapat nilang singilin. Malamang, pagdating ng panahong ang mga benepisyaryo’y nag-aambag na sa ekonomiya, ang mga tumutuligsa ngayon, mag-uunahang magsabing sila ang ama o ina ng pinalawak na Pantawid Pamilya.
Sa sektor naman po ng edukasyon: Sinisiguro nating napupunuan ang mga pagkukulang ng nakaraan, natutugunan ang mga pangangailangang dumarating sa kasalukuyan, at napaghahandaan pati ang para sa kinabukasan.
Unang dalawang taon pa lang natin sa puwesto, naisara na ang dinatnang backlog na 61.7 million textbooks at 2.5 million na upuan. Pagdating naman ng 2013, ang backlog na 66,800 classrooms, at ang kulang na 145,827 na guro, natugunan na rin sa tulong ng ating LGU partners.
Sa estimasyon ng DepEd, mula 2010 hanggang 2017, ang kabuuang bilang ng madaragdag na estudyante: 4.7 million. Bunsod po ito ng pagdami ng enrollees at pagpapatupad natin ng K to 12. Para matugunan ito, kailangan nating magdagdag ng tinatayang 118,000 classrooms. 33,608 dito, naipatayo na. Ngayong taon, nakasalang na ang pagpapagawa ng mahigit 41,000. Ang natitirang 43,000, nakapaloob na sa ipapasang 2016 budget bukas.
Tinatayang 130,000 naman ang kailangan nating guro. Nitong 2014, ang na-hire na ay 29,444. Ngayong taon, ang kabubuang bilang ng guro na target nating ma-hire: 39,000. Ang natitira pang 60,000, nakapaloob na sa panukalang 2016 budget. Ayon nga po kay Bro. Armin, ang suma-tutal ng naipagawa nating mga classroom at na-hire na guro ay higit pa sa pinagsama-samang nagawa mula sa nakalipas na 20 taon bago tayo manungkulan.
Naipamahagi na natin ang karagdagang 73.9 million textbooks, na susundan pa ng 88.7 million ngayong taon. Ngayong 2015 din, naihatid na sa mga paaralan ang 1.6 million na upuan, na daragdagan pa uli ng 1.6 million bago matapos ang taon. Sa budget na isusumite natin para sa 2016; nakalagay na ang pondo para sa dagdag pang 103.2 million textbooks, at 4.4 million na upuan. Malinaw po: Hindi na tayo mag-iiwan ng sakit ng ulo sa susunod sa atin.
Linawin ko lang po: Nagpatupad tayo ng K to 12 dahil hindi praktikal ang pagsisiksik ng kaalaman sa 10-year basic education cycle. Kinukuwestyon na ang credentials ng ating mga kababayan sa ibang bansa; mayroon na ring nademote, dahil hindi raw sapat na patunay ng kakayahan ang diploma natin. Kung ang lumang kalakaran sa edukasyon ay maihahalintulad sa manggang kinalburo, ngayon, sinisiguro nating hinog ang kakayahan ng mga estudyante na magpanday ng sariling kinabukasan.
Pakinggan po natin ang isang patunay: [VIDEO 4: K TO 12]
Kung sa tech-voc naman pumasok, nakahanda na rin ang ating pinalakas na mga programa para sa kanila. 7.8 million na ang mga nagtapos sa iba’t ibang kurso ng Technical Vocational Education and Training na pinangangasiwaan ng TESDA. Sa Training for Work Scholarship Program lang po, umabot na sa 821,962 ang napagtapos. Ano na kaya ang sitwasyon nila ngayon? Ayon sa pag-aaral, 71.9 percent na ang agad nakahanap ng trabaho, kumpara sa 28.5 percent dati. Ang ilang industriya pa nga, talagang pumapalo na: 91.26 percent po ang employment rate ng mga nasa semiconductors and electronics industry—konti na lang, 100 percent na.
Naikuwento nga po sa atin ni Sec. Joel Villanueva: May OFW na napilitang umuwi. Akala niya, wala nang pag-asang umasenso. Nag-aral siya ng “hilot wellness massage” sa TESDA; ngayon, 4 na ang branch niya ng spa. Naikuwento ko na rin noong nakaraang SONA ang isang PWD na dating barker; ngayon, escalation supervisor na siya sa isang BPO.
Sa Sari-sari Store Training and Access to Resources Program o STAR naman, may isang sari-sari store owner na kumikita dati ng 800 pesos kada araw; ngayon, 4,000 pesos na ang kita niya. Kung susumahin nga po, halos kapareho na ng suweldo ko ang kita ng benepisyaryong ito, kahit hindi parehong stress ang dinadaanan namin.
Paano nagawa ito? Sinanay siya sa bookkeeping, inventory management, accounting, at iba pa. Talagang bilib po tayo, dahil pati kung paano siguruhing mapupunta sa tama ang dagdag na kita, itinuturo din sa STAR program.
Pakinggan po natin ang isa sa mga nakinabang sa programa ng TESDA: [VIDEO 5: TESDA STAR BENEFICIARY]
Dumako naman tayo sa sektor ng kalusugan. Sa maraming Pilipino, sagabal sa pagtupad ng mga pangarap ang pagkakasakit. Ang mga pamilyang umaasenso, back to zero kapag tinamaan ng karamdaman. Nauubos na nga ang ipon, nababaon pa sa utang.
Sa PhilHealth po: Dumating tayong 47 milyong Pilipino lang ang benepisyaryo. Halos dinoble na po natin ito: Nitong Hunyo, pumalo na ang saklaw ng ating PhilHealth sa 89.4 million. Ang pagbabago pa nga po: Tuwing eleksyon, parang kabuteng nagsusulputan ang mga bagong benepisyaryo ng PhilHealth. Imbis kasi na pangangailangan ng taumbayan, interes ng kandidato ang naging basehan. Tinama na natin ang ganyang kalakaran.
Heto pa po. Noong 2012, inanunsyo natin: Kung kabilang ang pamilya mo sa lowest quintile o ang pinakamahirap na 20 porsyento ng ating populasyon, at nagpagamot ka sa pampublikong ospital, sigurado, wala kang kailangang bayaran. Simula po noong 2014: Lumawak na iyan para saklawin ang susunod na quintile sa ating lipunan. Ibig sabihin, para sa pinakamahirap na 40 porsyento, libre na ring magpagamot sa mga pampublikong ospital. Ito po ‘yung pagkalingang tinatawag ng iba na palpak at manhid. Ang tugon ko po, sabi nga ni Aiza Seguerra noong araw: I thank you, bow.
Ngayon, pakinggan po natin ang ilan sa mga resulta ng pinaigting na PhilHealth program: [VIDEO 6: PHILHEALTH BENEFICIARY AND VIDEO 7: GOVERNOR LILIA PINEDA]
Muli po nating balangkasin ang kuwento ng nakaraang limang taon. Hinabol natin ang mga corrupt at nilinis ang sistema, na nanganak ng kumpiyansa sa ating mga merkado. Pumasok ang negosyo, lumawak ang oportunidad, habang binibigyang-lakas nating magkatrabaho ang Pilipino. Sila ang tumatangkilik ng mga negosyo; ito naman pong mga negosyo, nakikitang meron nang level playing field; naaasahan ang pag-asenso nang hindi kailangang mandaya. Nagpapalawak sila ng operasyon, at umeempleyo ng mas maraming tao. Siklo po ito: Katarungan, tiwala, paglago ng ekonomiya, pagkakataon, pag-asenso. Boss, ito mismo ang diwa ng “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
At hindi lang natin nakamtan ang pagbabago; ang transpormasyong ating tinatamasa ngayon, lagpas-lagpas pa sa inasahan noong simula.
Ang Cadastral Survey, na sinimulan pa noong 1913, tapos na natin. Inabot ng halos isang siglo ang mga nauna sa atin para matapos ang 46 porsyento nito. Ang mahigit kalahati pong natitira, nabuno natin sa 5 taon sa puwesto. Ito pong Cadastral Survey ang tumutukoy sa hangganan ng mga lupaing saklaw ng bawat lungsod, bayan, at lalawigan sa Pilipinas. Sa ARMM, halimbawa, para bang nanganganak ang lupa: Sabi sa mapa, 1.2 million hectares lang ang meron, pero kung susumahin ang idinedeklarang lupa, 3.7 million hectares ang inaabot. Ngayon, dahil naayos na ang land record system, wala nang nanganganak na lupa sa ARMM.
Noong 2011 po, inimbentaryo natin ang mga sitio; tinukoy natin kung sino pa ang nangangailangan ng kuryente. Gawa ng Sitio Electrification Program, nakapaghatid na tayo ng liwanag sa 25,257 sitiong natukoy sa imbentaryong ito. Dagdag pa rito, dahil sa paggamit ng solar at iba pang teknolohiya, kahit malayo o liblib na lugar, nagkakakuryente na rin. Ngayon, 78 percent na ng target ng SEP ang energized na, at tinitiyak sa atin ng DOE na bago tayo bumaba sa puwesto, lahat ng naitala noong 2011, may kuryente na.
Tunghayan po natin ang isang magsasakang nakinabang sa ating Sitio Electrification Program. [VIDEO 8: SITIO ELECTRIFICATION]
Sa aviation naman po, sunod-sunod din ang good news: Ang significant safety concerns na ipinataw ng International Civil Aviation Organization noong 2009, natanggal na noong 2013. Sa parehong taon, pinayagan ng European Union ang ating flag carrier na muling lumipad patungong Europa. Noong 2014 naman, isa pang local carrier ang pinayagan ng EU, habang inangat na tayo ng US Federal Aviation Administration sa Category 1, mula sa nangyaring pag-downgrade sa Category 2 noong 2008.
Dahil dito, dumadami ang flights papasok at palabas ng bansa, at napapadali ang paglipad ng mga turista sa loob ng Pilipinas. Ang maganda pa: Nitong Hunyo, inalis na rin ng EU Air Safety Committee ang travel ban sa lahat ng ating air carrier. Ito po ang unang pagkakataong tinanggal nila ang ban sa buong civil aviation sector ng isang bansa. Ngayon, lahat ng airlines natin, direkta nang makakalipad papuntang United Kingdom, Italy, at iba pang bansang kasapi ng EU.
Sa seafaring: 2006 pa lang po, kinuwestyon na ng European Maritime Safety Agency o EMSA ang ating pagsunod sa Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers. Dahil dito, nagkaroon ng bantang hindi kilalanin ng EU ang ating maritime education certificates. Kung hindi tayo umaksyon, may potensyal na mawalan ng trabaho ang tinatayang 80,000 marinong Pilipinong naglalayag sa mga barkong Europeo.
Agad na kumilos ang MARINA at DOTC para iayon ito sa mga pandaigdigang pamantayan. Hanggang ngayon, kinikilala pa rin ng EU ang ating mga sertipikasyon. Sa susunod na audit ng EMSA na magsisimula ngayong Oktubre, ang garantiya ng MARINA: Tiyak, papasa tayo.
Kay Sec. Jun Abaya: Huwag ka sanang panghihinaan ng loob kung tila nalilimot ng iba ang nagawa mo para sa ating mga marino, ang pagtanggal ng ICAO sa significant safety concerns sa ating aviation sector, ang pag-alis ng European ban sa ating mga eroplano, at ang pag-akyat natin sa Category 1 ng US FAA. Ipinagbawal mo rin ang pagpapalaot ng barko kapag may bagyo, na nakatulong upang mailayo sa panganib ang pasahero. Lahat ng ito, naisasantabi dahil sa masalimuot na hamong hinaharap natin sa pampublikong transportasyon. Pinakamalaking halimbawa na nga po ang MRT.
Bihira ang nagbabanggit na may katuwang tayong pribadong korporasyon, na naalala ang kanilang mga karapatan, pero tila ba nalimot ang kanilang mga obligasyon. Ang katuwang na ito, sagot ang maintenance. Dapat, noong 2008, nagkaroon ng general overhaul ang MRT, pero nang suriin ng DOTC, halos pagpipintura lang ang pinagawang overhaul. Sa pagwawalang-bahalang ito, parang ginarantiyang masisira ang tren. Di po ba miski sinong kumpanya, dapat sinisigurong masusulit ang kanilang investment? Pero hinayaan lang nilang lumala nang lumala ang situwasyon hanggang umabot sa puntong ipinasa na sa atin nang ora-orada ang pagsasaayos ng MRT.
Nang aayusin na natin, bigla naman silang humirit, sila na lang daw ulit. Pero ang mungkahi nilang pagsasaayos, di hamak na mas mahal kaysa atin. Siyempre, katumbas nito, dagdag na gastos at perhuwisyo sa taumbayan. Hindi tayo pumayag, at kumilos na nga para makakuha ng mga bagong bagon. Ang problema, mapilit ang korporasyon, kaya’t pina-TRO nila ang pagbili nito. Kaya umabot sa ganitong situwasyon ang MRT.
Sec Jun: Ikaw, ako, at ang buong Kamaynilaan, hindi natutuwa dito. Ang trabaho ng pribado, ipinasa sa atin. Ang solusyon naman natin, hinarang nila. Malinaw nang hindi magtatagpo ang agenda natin at ng MRTC. Ngayon: Humahakbang na tayo para i-buy-out ang korporasyon. Pag naayos ito, ang estado na lang ang tanging magdedesisyon.
Habang sumasailalim sa prosesong ito, nagsasagawa na tayo ng agarang maintenance. Paparating na rin ang mas malalaki at pangmatagalang solusyon. Sa susunod na buwan, darating na ang prototype ng bagong bagon; pag pumasa ito sa pagsusuri, mula Enero ay 3 bagon ang sisimulang i-deliver kada buwan hanggang makumpleto ang inorder nating 48. Ongoing na rin ang proseso para sa mga bagong riles, at pag-uupgrade ng signalling system at automatic fare collection system; inaasahan ang lahat ng ito bago tayo bumaba sa puwesto. Ang power supply para sa mga tren, ma-uupgrade bago matapos ang 2016. May 12 escalator na ring maaayos bago matapos ang taong ito, habang ongoing na ang procurement para sa rehabilitasyon ng 34 pang escalator at 32 elevator. Ipapaalala ko lang po: Hindi puwedeng laktawan ang proseso sa mga bagay na ito; ayaw na nating maantala ng kaliwa’t kanang demandahan ang ating mga hakbang.
May mga nagsasabi nga pong may blinders daw ako para sa taong matagal na nating kasama sa Daang Matuwid. Ako, mulat sa maganda, pero batid rin ang mga hindi maganda. Ako ba ang may blinders, o itong mga pangit lang ang nakikita?
Sa Sandatahang Lakas naman: Noong Nobyembre ng 2010, nagkaroon ng panibagong tensyon sa pagitan ng North at South Korea; pinangambahang magkakaroon ng giyera doon. Kinailangang magsagawa ng plano para ilikas ang lagpas 46,000 na Pilipino sa South Korea, pati na ang 8 kababayan nating nasa North Korea.
Nang tanungin natin ang AFP kung anong asset ang magagamit para sa evacuation, ang sagot nila, may nag-iisang C-130 ang Air Force. Ano ang pinakamabilis na round trip? 10 oras. Ang lulan: Nasa 100 katao. Kinalkula ko po: Lagpas 46,000 ang Pilipinong dapat ilayo sa gulo; ibig sabihin, sa pinaka-episyenteng kondisyon, 460 round trips ito, na higit sa 4,600 oras o tinatayang halos 200 araw ng pagbiyahe. Hindi naman maasahang kakayanin ito ng lumang C-130. Kung barko naman daw ang ide-deploy, 1,000 katao ang kakayaning iuwi sa isang biyahe. Suwerte na kung abutin ng 10 araw ang roundtrip. Kung natuloy ang gulo, baka tapos na ang putukan, di pa tayo nakakapaglikas nang husto. Kumilos tayo agad para matugunan ang limitasyong ito.
Ngayon, ang dating nag-iisang C-130 na nagagamit natin, tatlo na, at target nating makakuha ng dalawa pa. May kasama na rin sila; nariyan na ang una sa 3 binili nating C-295 medium lift transports at paparating na po ngayong taon ang 2 kapatid nito. Asahan na rin natin ang 2 pang C-212 light lift transports bago matapos ang 2015.
Kung patong-patong na pagsubok ang ating kakaharapin, gaya noong nangyari noong 2013, kailangan din ng mas marami at mas malalaking assets. Nang tumama si Yolanda, nasira ang mga daungan; naging limitado ang kakayahan nating magdala ng ayuda. Sa ganitong pagkakataon, mahalaga ang landing craft utility na puwedeng dumaong sa dalampasigan. Ngayon, magiging 10 na ang dinatnan nating 4 na landing craft utility: Mayroon na tayong BRP Tagbanua. Sa mga susunod na linggo, darating din ang 2 Landing Craft Heavy mula sa Australia; napakagalante nga po ng pagkakabigay nito, pati spare parts at generator kasama. Target pa nating bilhin ang 3; inaayos na natin ang papeles, upang sumulong na ang proseso. Dahil sa mga ito, kapag panahon ng sakuna, mababawasan ang pangangailangan nating umasa sa kawanggawa ng ibang bansa. Mas mapapabilis ang paghahatid sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang ayuda, supplies, at iba pang naglalakihang equipment gaya ng bulldozer na kinakailangan para sa clearing at relief operations.
Kung pagtatanod sa ating teritoryo naman ang pag-uusapan, ang F5 fighter jet na niretiro noong 2005, mapapalitan na ng 12 na bagong FA-50 fighter. Sa Disyembre lalapag ang unang 2 unit niyan, at makukumpleto naman ang delivery pagdating ng 2017. Nariyan na rin ang mga barkong pandigma na BRP Gregorio del Pilar at Ramon Alcaraz, 7 sa 13 na inorder nating AW-109 helicopters, 6 sa 8 Bell-412 helicopters, 617 na troop carrier trucks, at 50,629 assault rifles. Target din nating makuha ang 2 pang frigates, 6 na Close Air Support Aircraft, 142 armored personnel carriers, at iba pang makabagong kagamitan gaya ng 49,135 units ng force protection equipment, 2,884 na grenade launchers, at karagdagang 23,622 na assault rifles. Sa kabuuan po, may 56 na tayong proyektong natapos para sa modernisasyon, at may 30 pa tayong inaprubahan; ikumpara niyo ito sa 45 na proyektong natapos ng 3 administrasyong nauna sa atin.
Pakinggan natin ang isa sa mga kawal ng ating Air Force:
[VIDEO 9: PAF]
Sa kapulisan naman, sa unang pagkakataon sa ating kasaysayan, ang bawat pulis, may sarili nang baril. Para naman lalong malinang ang kakayahang mag-”shoot, scoot, and communicate” ng ating kapulisan, naipamahagi na ang unang 302 patrol jeeps, na bahagi ng kabuuang 2,523 na pino-procure natin. Ipinamahagi na rin ang 179 sa 577 na bagong utility vehicles. Naipagkaloob na rin natin ang 12,399 na handheld radios. Nagpo-procure na rin po tayo ng 30,136 na long firearms, 3,328 investigative kits, at dagdag pang 16,867 na radyo. Pakinggan po natin kung paano ito nakakatulong sa trabaho ng ating kapulisan: [VIDEO 10: PNP]
Kakambal ng kagamitan ang stratehiya nating “work smarter.” Isinasabuhay ito ng Oplan Lambat-Sibat na sinimulang ipatupad sa Metro Manila. Pinag-aralan natin ang modus ng mga kriminal, at stratehikong dineploy ang ating kapulisan. Kaya nga po nahuhuli ang mga “big fish” na nagmamando sa mga gang, nabubuwag ang mga sindikato, at bumaba ang krimen sa bansa.
Sa loob ng ating termino, halos 163,000 na wanted na ang nahuli ng PNP; higit 1,000 na gang naman po ang na-neutralize, at 29,294 na baril na walang lisensya ang nakumpiska sa buong bansa. Sa NCR po: Mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, nasa 37 ang kaso ng murder at homicide kada linggo. Dahil sa Oplan Lambat-Sibat, bumaba na ito sa 23 kaso kada linggo nitong Hunyo. Sa robbery, theft, at carnapping naman para sa parehong panahon: nasa 444 na lang ang lingguhang average sa NCR, mula sa dating 919.
Nitong nakaraang linggo lang, nahuli na si Dexter Balane, na lider ng robbery and holdup group na kasabwat ng Martilyo gang. Nariyan din ang kilabot na mag-asawang Tiamzon, si Kumander Parago, at ilan pang kadre ng CPP-NPA-NDF gaya nina Ruben Saluta at Emmanuel Bacarra; ang napakailap na si Jovito Palparan, pati na ang mga lider ng BIFF na sina Basit Usman, Mohammad Ali Tambako, Abdulgani Esmael Pagao, at ang international terrorist na si Marwan.
Kita po ninyo: Kinakalinga ng Estado ang unipormadong hanay, at sinusuklian nila ito. Sabay ng bagong gamit, itinaas natin ang combat pay ng mga sundalo at subsistence allowance ng buong unipormadong hanay. Nakapagpatayo na rin tayo ng higit 57,000 housing units para sa kanila; aabot pa ito sa mahigit 81,000 bago tayo bumaba sa puwesto. Sa mga kampo naman, mayroon tayong mga programang pangkabuhayan, at kasama na sa mga nakikinabang dito ang mga kawal na nasugatan o nabaldado sa paggawa ng tungkulin. Upang magkaroon ng partikular na tuon sa kanila, inatasan ko na po ang AFP na makipag-ugnayan sa Gabinete, upang magsagawa ng mga inisyatibang titiyak na magkakaroon ng disenteng pamumuhay ang mga nagsasakripisyo para sa bayan.
Dumako naman po tayo sa imprastruktura. Naaalala ko pa noong Congressman ako sa Tarlac: Pag tag-araw, mala-disyerto ang Tarlac River. Pag umuulan naman, rumaragasa ang ilog, at kasama sa napipinsala ang MacArthur Highway. Tinanong natin, sino ba ang in-charge sa flood control sa aming distrito? Lumapit kami sa Pampanga River Delta Project; sabi nila, yung Lower Agno Project daw ang may saklaw nito. Pagpunta naman namin doon, pinabalik kaming Pampanga. Kaysa tulungan kami, nagturuan lang sila.
Tapos na ang panahon ng pag-iwas sa responsibilidad. Sa Daang Matuwid, isa-isang naipapatayo ang imprastrukturang matagal nang hinintay ng Pilipino. Nabanggit ko na ang ilan dito: Nariyan ang Lullutan Bridge sa Isabela, na dalawang dekadang hinintay ng mga kababayan natin doon; ngayon, nabuksan na. Ang Jalaur River Multi-Purpose Project sa Iloilo, naisip ipatayo noong taong isinilang ako; nag-ground breaking na po tayo para sa stage 2 nito. Ang Balog-Balog Multipurpose Project Phase 2 sa Tarlac, 1980’s pa plinano; ngayon, aprubado na ito, at nagsimula na ang proseso ng bidding.
Ang Basilan Circumferential Road, taong 2000 pa sinimulang ipatayo, pero matagal nabinbin dahil sa kaguluhan sa lalawigan. Hinahadlangan ng masasamang elemento ang pagpapatayo nito, dahil oras na ito’y maipagawa, magiging mas mahirap ang kanilang pagtakas sa batas; mapapabilis rin ang pagdating ng serbisyo, kaya’t hihina ang impluwensya nila sa mga kababayan natin doon. Ngayon, 3 tulay na lang ang tinatapos sa kahabaan nito, pero ang malaking bahagi, nadadaanan na.
Nabanggit ko na po ang Muntinlupa-Cavite Expressway na binuksan noong Biyernes. Bukas na rin ang unang dalawang bahagi ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. Ang Phase 2 naman ng STAR Toll, tapos na rin. Kapag nabuo pa ang Cavite-Laguna Expressway Project, ang C-6 Phase 1, ang Metro Manila Skyway Stage 3, at ang NLEX-SLEX Connector Road, lalong magiging malawakan ang benepisyo ng ating stratehiyang pang-imprastruktura.
Para po tugunan ang pagbaha, mayroon din tayong pagsasaayos at maintenance ng flood control projects. Ilan sa mga ito ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase 2, na natapos noong 2013; ang high impact flood control projects para sa NCR at mga karatig bayan, matatapos na sa Nobyembre, at target naman nating makumpleto ang Blumentritt Interceptor Catchment Area sa susunod na taon. Ang Laguna Lakeshore Expressway Dike naman, i-aaward na rin sa Disyembre.
Tiyak ko pong batid ng lahat: Hindi batayan kung kapartido ang pinuno sa lalawigan, o kung nanalo tayo doon; ang tanging tanong natin: May pangangailangan ba? Hayaan po nating magsalita ang ilan sa ating mga natulungan: [VIDEO 11: GOV BULUT AND CONG ALVAREZ]
Kay Governor Bulut, ikawdalawampu ako sa puso ninyo noong Senatorial election noong 2007, at ikaapat noong Presidential elections. Sa mga ipinapatayong struktura, di naman siguro ninyo masasabing malayo kayo sa puso ng Pilipino. Kayo na rin ang testigo: Sa pagkakaroon ng proyekto, hindi boto ang basehan, kundi pangangailangan.
Kay Congresswoman Alvarez naman, na ilang beses na nga pong nag-posing nang nakahiga sa mga kalsadang nakumpleto natin: Pasensya na, Chedeng, pero sa susunod na humiga ka sa kalsada, ipapahuli na kita. Ang violation: Obstruction of traffic.
Malinaw ang ating stratehiya: Sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay at iba pang struktura, iniibsan natin ang dapat ibsan, at pinapabilis ang paghahatid ng benepisyo. Ang panawagan ko nga po, makiambag sana tayong lahat, at maging handang magsakripisyo.
Halimbawa: Para matugunan ang madalas na pagbaha sa Maynila, isinulong natin ang pagpapagawa ng catchment area; pero tumutol po dito ang isang malaking unibersidad. May lumang gusali daw kasi silang maaaring tamaan. Isa pa po: Kailangan nang i-retrofit ang Guadalupe Bridge dahil maaari itong bumigay kapag lumindol. Puwede bang isara ang tulay na ito, nang dadaloy pa rin ang trapiko sa EDSA? Kaya nga hindi puwedeng ipagawa na lang ang tulay nang basta-basta. Para magawa ito, kailangan ng alternatibong daan. May mungkahi na at tinatayang 70,000 ang kayang dumaan kada araw dito. Kung magawa ito, mapapagawa na ang Guadalupe. Kaya lang po, sa rutang pinili, may mga grupong diumano’y tumututol. Sang-ayon silang maayos ang Guadalupe, sang-ayon silang lumuwag ang EDSA, basta raw ang proyekto, huwag sa kanila itatayo nang hindi sila maabala. Kung ganito nga po ang pananaw, talagang maaantala ang pagpapatayo ng kinakailangan nating imprastruktura.
May mga pagkakataon din pong hindi na nga tayo tinulungan, naglagay pa ng balakid ang nasa lokal na antas. Halimbawa po, may tinamaan ng sakuna. Agad-agad tayong pumunta; sinalubong ako ng Congressman at ng Mayor, pero ang kumausap sa akin, City Administrator at Vice Mayor. Ang sabi natin, meron nang kagamitan ang DPWH, at handa na kaming itayo ang temporary shelter; kailangan na lang ng lupang pagtatayuan. Ang sagot nila, mayroon daw 30 ektaryang puwedeng gamitin. Ang masakit, pagbalik ko, walang kahit anong ibinahagi dahil may paggagamitan daw sila.
Isang horror story lang po iyan. Ang sa atin po: Kami, nandito para tumulong. Ipipilit namin ang ayuda hangga’t kaya at naaayon sa batas. Kung ayaw nilang makipagtulungan, ang masasabi ko po: Eleksyon na sa susunod na taon, at ang mga Boss natin ang huhusga kung sino ang nakabawas o nagpalala ng pagdurusa.
Tumungo naman po tayo sa Public Private Partnerships. Kapag pinagsama natin ang solicited PPP projects ng nakaraang tatlong administrasyon, ang suma-total: 6 na proyekto. Sa atin, may 50 proyekto na: Ang 10 dito, awarded na; ang 13, nasa bidding; habang 27 naman ang nakapila pa. Kayo na po ang magkumpara sa pagkakaiba.
Dati, walang nakikisali sa proyekto, ngayon, nag-uunahan na ang mga pribadong kumpanya, at nagbibigay ng premium. Suma-total, ang primang natanggap natin mula sa mga kumpanyang katuwang sa PPP, umabot na sa 64.1 billion pesos, na napupunta naman po sa kaban ng ating bayan. Kada matagumpay na proyekto, magbubunsod din ng higit na kumpiyansa, na siyang magpapabilis sa pagpapatayo natin ng iba pang kinakailangang imprastruktura. Ang pagtitiis ng ating mga Boss, maiibsan, kundi man matatapos na.
Para naman sa imprastrukturang paparating pa lang, hihilingin ko rin: Kalma lang po tayo. Ang procurement, mabilis na ang apat na buwan para makumpleto. Swerte ka na kung ang inorder mong computer, maideliver sa loob ng panahong iyan. Paano pa kaya kung pagpapatayo ng tulay ang pinag-uusapan?
Ang sa akin nga po: Di na baleng hindi ako ang mag-groundbreaking o ribbon-cutting. Ang mahalaga: Gawing pulido at naaayon sa batas ang mga proyekto, para oras na maaprubahan ito, dire-diretso ang pagpapatupad; miski sino ang sumuri, papasa ang kalidad ng ating ipinatatayo. Alam po ito ng ating Gabinete: Sa Cabinet o NEDA Board meeting, minsan na akong nagbirong dapat magdala ng kumot ang mga dadalo, dahil tiyak na gagabihin kami. Personal ko kasing sinisiyasat ang detalye, para pag iniharap ito sa ating mga Boss, sasabihin din nilang, “Aprub kami, dahil nakikita naming tapat ang proseso, at tiyak ang pakinabang sa proyekto.”
Napakalaki na po talaga ng pagbabago. Noon ang Pilipino, naglaho ang pag-asa. Ngayon naman po: Sa pinakahuling SWS survey, lumabas na 8 sa bawat 10 Pilipino ang tiwalang magiging kahanay, kundi man kahanay na ang Pilipinas sa “developed countries”. Mayroon din pong survey ng Gallup, Inc., isa sa pinakamatanda at iginagalang na polling agency sa mundo. Tinanong nila ang mamamayan sa 145 na bansa, “Would you say that now is a good time or a bad time to find a job?” Lumabas po na ang Pilipinas ang may pinakamataas na job optimism sa buong Asya-Pasipiko, at pangalawa sa buong mundo.
Kumpiyansa nga po ang ating mga kababayan sa stabilidad ng kanilang kinabukasan. Ngayon, miski bagong pasok pa lang sa trabaho ay nakakapaghulog na para sa sariling sasakyan o condo unit. Di na nakakagulat na nitong nakaraang taon, tumaas ng 27 percent ang car sales sa Pilipinas. Ang paniniwala ngayon: Kayang-kaya nang bayaran, di lang ang down payment, kundi maging ang monthly amortization. Sa dami ng nakakapagpundar ng bagong sasakyan, may dalawang malaking kompanyang inaabot ng dalawa’t kalahati hanggang 3 buwan bago makapag-deliver ng kotse. Sa sarili ko pong karanasan, noong una akong nagkatrabaho, kinalkula ko kung gaano katagal bago ako makaipon para sa sariling kotse. 20 taon lang naman po ang aabutin, segunda mano pa.
Nakausap din po natin ang mga pinuno ng dalawang malaking kumpanya; ang isa, mayroon nang mga pabrika dito habang ang isa pa ay gusto ring pumasok. Pareho po silang nagpahayag ng interes na magtayo ng research and development facility. Nakikita nila ang potensyal at talento ng Pilipinong makatulong upang mapanatili ang kanilang magandang posisyon sa merkado. Ang tanong nila: Kaya ba nating mag-supply ng daan-daang empleyadong may masteral at doctoral sa engineering? Ang tugon natin: Aba, kayang-kaya. Sabi ko pa po, kung may magbubukas na trabaho sa high-tech na industriya, baka makapagpauwi pa tayo ng mga OFW, na papayag naman sigurong tumanggap ng mas mababang sahod kung mapapalapit sila sa kanilang pamilya. Ang sabi ng kausap natin: Hindi kailangang babaan, dahil handa silang tapatan ang suweldo.
Sa sektor din po ng pangingisda, nadarama ang pagbabago sa pagtingin sa Pilipino. Nitong Abril, tinanggal na ng European Commission ang ipinataw nilang yellow card sa Pilipinas. Dahil hindi maayos ang dokumentasyon at tracking, di sila makasigurong nahuli ang mga isda sa legal na paraan. Agad tayong kumilos upang hindi mapasama sa blacklist ng EU, at hindi mapagbawalang magluwas ng produkto sa kanila. Nang magtungo nga raw po si Secretary Procy Alcala sa Belgium, sabi sa kanya, huwag daw samama ang kanyang loob, dahil baka tanungin tayo ng ibang bansang may yellow card pa. Tayo raw kasi ang makakapagturo sa kanila kung ano ang mga dapat gawin para maresolba ang problema.
Naaalala ko rin po, noong una, pakiramdam ko, kinakausap lang tayo ng ibang pinuno dahil obligado sila. May ilang halos sermonan tayo nang una nating nakahalubilo. Ngayon, kaliwa’t kanan ang imbitasyon para sa State Visit, may kasama pang papuri. Nakikiusap pa ang iba: Kahit raw dumating tayo sa umaga at umalis din ng tanghalian, basta’t pumunta tayo, ikatutuwa nila. Nagulat po talaga ako nang minsang may pinuno ng isang maunlad na bansa ang nagtanong: “Ano ba ang inyong sekreto?” Siyempre po, dahil hindi naman tayo mahilig magbuhat ng sariling bangko, ang isinagot natin: “Sinunod lang namin ang mabuti ninyong halimbawa.” Meron din namang nagtatanong sa atin at maging sa ating mga delegasyon: “Ang ganda ng nangyayari sa Pilipinas; anim na taon lang ba talaga ang termino ninyo? Wala na bang puwedeng magawa dito?” Ang lagi nga po nating tugon: “Nagkaroon kami ng pangulo na talagang gumawa ng paraang manatili sa puwesto. Kailangan naming tiyaking di mabubuksan ang pinto para maulit ito.”
Siyempre po, kahit kaliwa’t kanan na ang ebidensiya ng pagbabago, mayroon pa ring kontra sa Daang Matuwid. Ang hirit nila: Mabagal daw tayo. Kapag sila raw ang naging Pangulo, sigurado, gaganda ang buhay. Sa mga medyo may-edad po, ang isasagot dito, “Ah, ganun?” sabay taas ng kilay. Para naman sa kabataan, ang tugon: E di wow.
Ang tanong natin: Paano? Ang sagot nila: Basta. Nasaan ang detalye at kongkretong mga plano? Basta. Paano ninyo ipatutupad ang inyong mga pangako? Basta. Pakiramdam yata nila nadadaan sa basta-basta ang solusyon sa ating mga problema.
Wala pa rin talagang gamot na naiimbento para sa mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Ang payo ko nga po: Maganda siguro, kapag ganitong harapan nang iniinsulto ang talino ng Pilipino, ilipat muna natin ang channel, at baka mas may mapala pa tayo sa panonood ng sitcom.
Ngayon naman po, may ilang mga batas na nais kong ilapit upang sana’y maipasa sa loob ng kasalukuyang Kongreso:
Pangunahin dito: Ang Bangsamoro Basic Law. Sa mga tutol sa batas na ito: Palagay ko, obligasyon ninyong magmungkahi ng mas magandang solusyon. Kung wala kayong alternatibo, ginagarantiya lang ninyong hindi maaabot ang pagbabago. Ilang buhay pa ang kailangang ibuwis para magising ang lahat sa obligasyong baguhin ang sirang status quo sa Muslim Mindanao?
Pakinggan po natin ang ilan sa mga maaaring makinabang sa batas na ito: [VIDEO 12: MORO CCT BENEFICIARY and VIDEO 13: SAJAHATRA BANGSAMORO BENEFICIARY]
Inilalapit din po natin sa Kongreso ang Rationalization of Fiscal Incentives. Kung maipapasa ito, maitatama ang papatsa-patsang sistema ng pagbibigay insentibo at magiging mas makatwiran ang pagbubuwis sa mga negosyo. Hinihiling rin namin ang agarang pagtutok sa Unified Uniformed Personnel Pension Reform Bill, para tuluyang maisulong ang isang makatarungang sistemang pampensyon para sa kanila. Agaran po sanang maipasa ang batas na ito, dahil ngayon pa lang, trilyong piso na ang kakailanganin para pondohan ang pensyon ng unipormadong hanay. Kailangan ng awtorisasyon ng batas para matugunan ang masalimuot na sitwasyong ito.
Bukas na bukas naman po ay makakarating na sa inyo ang panukalang budget para sa susunod na taon. Hindi pa po tayo nabibigong ipasa ito sa tamang oras; umaasa nga po ako, na mapapanatili ang tamang kalakarang ito ngayong nasa huling yugto na tayo ng administrasyon.
Naaalala ko rin po: Kumontra akong pagkaitan ang isang tao ng karapatang tumakbo sa puwesto, dahil lang sa kanyang apelyido. Bakit nga naman tayo gagawa ng batas para pigilang maglingkod ang gustong maglingkod?
Pero napaisip po ako: May mali rin sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibiduwal. Ganyang kaisipan din ang dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensyon ng susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law.
Dahil sa Kongreso, naipasa ang mga batas na kikilalanin bilang haligi ng transpormasyong sinisimulan natin ngayon. Sa Kamara at Senado, lalo na sa mga kasapi ninyong naging kabalikat sa Daang Matuwid nitong mga nagdaang taon: Salamat sa Philippine Competition Law, sa Act Allowing the Full Entry of Foreign Banks, at sa pag-amyenda sa Cabotage Law. Salamat sa Sin Tax Reform Act. Salamat sa Responsible Parenthood Act. Salamat sa lahat ng iba pang makabuluhang batas na inyong ipinasa. Tunay nga po: Napakalaki ng naiaambag ng isang Kongresong determinadong maging katuwang sa pagsusulong ng pagbabago.
Kanina po, minabuti kong pag-usapan kung saan tayo nagmula upang bigyang-konteksto ang mga hamong hinarap, hinaharap, at haharapin pa natin. Lahat po ng batikos, panlalait, at pang-aalipusta, tinanggap ko bilang kakabit ng pagkakataong pagsilbihan kayo. Pero ang totoo, hindi ko ito pinasan nang mag-isa. Hihingi nga po ako ng oras sa inyo para pasalamatan ang mga naging inspirasyon at katuwang; maunawaan po sana ng iba kung hindi ko sila mababanggit.
Unang-una po, siyempre, ang Panginoong Maykapal na sa bawat sandali ay ginabayan ang ating bansa. Sa aking ama at ina, na sa paglaban sa pang-aabuso, at sa pagsasakripisyo, ay naging bukal ng inspirasyon, hindi lang sa aming pamilya, kundi maging sa sambayanan;
Sa ating Gabinete, na nabanggit ko na ang ilan sa kanila kanina; hayaan po ninyo akong magpatuloy:
Kay Executive Secretary Jojo Ochoa, na tinaguriang Little President: Sa mga magulang pa natin nag-umpisa ang matibay nating pag-uugnayan. Nagdamayan tayo sa maraming hamon sa buhay. Ang private practice mo, nasakripisyo sa mahabang panahong naglingkod ka, sa Quezon City man o sa aking administrasyon. Lahat ng nalalaman mo sa batas, ibinahagi mo sa akin. Hindi mo ako iniwan, kahit sa mga panahong may banta sa ating buhay. Pare, mapalad akong nagkakilala tayo, naging magkaibigan, at magkasangga sa paglilingkod sa ating mga Boss;
Kay Secretary Rene Almendras, ang kabalikat ni ES Ochoa at naturingang bastonero ng Gabinete: Dati, ang kinis pa ng noo mo, ngayon nagmistula nang humps sa barangay dahil sa pakikisalo mo sa mga kailangan nating harapin;
Kay Secretary Albert del Rosario: nanumpa ka ng Biyernes; pagdating ng Linggo, nasa Libya ka na para pamunuan ang evacuation ng mga OFW na nalagay sa peligro noong panahon ng Arab Spring. Di ko kailanman pinroblema ang pag-motivate sa iyo; at kung may debate man tayo, nangyayari lang dahil inaawat kita sa pagbiyahe sa mapanganib na lugar;
Kina Secretary Cesar Purisima at Arsi Balisacan: Pinalad ang bansa sa tandem ninyo. Mula sa big picture, hanggang sa pinakamaliit na detalye, kayo ang nagsisigurong nadadama ng bawat Pilipino ang pag-unlad ng ating ekonomiya. Siyempre, ang ilan sa malalaking patunay nito, nagawa sa tulong ni Usec. Cosette Canilao at ng lahat ng bumubuo sa ating PPP center;
Kay Secretary Greg Domingo, ang ating pambansang salesman na umakit sa mga negosyanteng mamuhunan sa bansa, at kay PEZA Director General Lilia de Lima, na iniutos ko na sa DOST na gawan ng clone;
Kay Secretary Babes Singson, ang prayer leader ng Cabinet, tagapagtatag ng mga kongkretong patunay ng transpormasyon, at nagbalik ng tiwala ng taumbayan sa DPWH;
Kay Secretary Mon Jimenez, isa sa pinaka-pinagkakatiwalaan nating boses sa Gabinete. Talagang “It’s more fun in the Philippines,” at dahil nga sa pagsisikap mo, umabot sa 4.8 million ang turistang dumalaw sa bansa at direktang lumikha ng trabaho; magpapasalamat din ako sa kanyang maybahay na si Abby, na tinulungan tayong ilagay sa imahen at salita ang agenda ng positibong pagbabago;
Kay dating Energy Secretary Icot Petilla, na kahit wala na sa aking opisyal na pamilya ay nakikiambag pa rin;
Kay Secretary Volts Gazmin, na nagtitimon sa ating Sandatahang Lakas at sinisigurong lagi tayong handa sa sakuna: Kailanman ay hindi mo kami binigyan ng dahilang mangamba;
Kay Secretary Cesar Garcia, ang ating National Security Adviser, na kahit kakaopera pa lang sa tuhod ay napakabilis sumagot sa aking mga text;
Kay Secretary Janette Garin, na sumalubong sa MERS, Ebola, food poisoning, encephalitis, at sa sunud-sunod na mga banta sa ating kalusugan. Janette, ang katatagan mo ang nagpapatatag sa lahat;
Kay Secretary Dinky Soliman, na on-call 25 hours a day, 8 days a week, pati na sa lahat ng iyong naging executive assistants, na pagka-graduate sa DSWD ay puwede nang isabak sa anumang krisis sa mundo. Dinky, tuwing tatawagin kita ay laging hawak mo na ang tala ng problemang dapat tugunan, ang mga ginagawang hakbang, at ang mga natitira pang dapat gawin. Isang usapan lang, malinaw nang inaasikaso mo ang lahat ng dapat asikasuhin;
Sa mga nagtitiyak na may sapat na kaalaman at kakayahan ang susunod na henerasyon, sina Secretaries Armin Luistro, Tatti Licuanan, at Joel Villanueva;
Kay Secretary Mario Montejo, na tumulong magbalik ng pag-asa sa PAGASA, at talagang nagsikap upang iparamdam ang papel ng agham sa pagpapaunlad ng bansa;
Kina Secretaries Procy Alcala at Kiko Pangilinan, na nagbubunga na ang repormang ipinunla sa sektor ng agrikultura;
Kay Secretary Gil de los Reyes, na hindi natitinag sa pagsulong ng makatarungang repormang agraryo, gaano man kasalimuot ang hamong hinaharap;
Kina Secretaries Ramon Paje, Neric Acosta, at Lucille Sering na ipinakitang nakatali ang malawakang kaunlaran sa pangangalaga ng ating likas na yaman;
Kay Secretary Mar Roxas: Nasa loob o labas ka man ng gobyerno, hindi tumigil sa panlalait sa iyo ang mga kalaban ng Daang Matuwid. Dahil nga may bilang ka, dahil talagang may ibubuga ka, nagpupursigi silang ibagsak ka. Palibhasa hindi nila kayang iangat ang sarili, kaya pilit ka nilang ibinababa. Sa patuloy nilang paninira, ang mga kritiko mo na rin ang nagpapatunay na takot sila sa angkin mong integridad, husay, at kahandaan sa trabaho. Mar, pinatutunayan mo: You can’t put a good man down. Tulad ng pagtitiwala ng nanay at tatay ko, magtiwala kang alam ng taumbayan kung sino ang tunay na inuuna ang bayan, bago ang sarili;
Kay Secretary Butch Abad, na kahit pa ba pinaulanan ng di-makatarungang paratang ay patuloy sa pagsigurong ang pera ng bayan ay mapupunta sa taumbayan lamang;
Kina Secretaries Edwin Lacierda at Sonny Coloma, dating Secretary Ricky Carandang, at kina Usec. Abi Valte at Manolo Quezon: dama ko ang bigat ng pinasan ninyo sa pagsagot sa lahat ng uri ng tanong—may saysay man o wala—para maiparating sa ating mga kababayan ang angkop at tamang impormasyon;
Kina Solicitor General Florin Hilbay at Chief Presidential Legal Counsel Ben Caguioa, na ipinakita ang karangalan at katapatang angkop sa pagiging mga pangunahing abugado ng Ehekutibo;
Kay Secretary Ging Deles, kasama na si Chair Iye Coronel-Ferrer, na walang kapagurang isinusulong ang isang mapayapang Pilipinas;
Kay Secretary Julia Abad, na sinisigurong matututukan ko ang lahat ng aking responsibilidad; sa iyo ako bumabaling para sa agarang aksyon kaya madalas, ikaw din ang sumasalo ng una kong reaksyon. Sa kabila nito, lagi ka pa ring cheerful;
Sa iba pang Kalihim na sumasagot ng telepono kahit madaling-araw tawagan: Yasmin Busran-Lao, Francis Tolentino, Lu Antonino, Joel Rocamora, Mely Nicolas, Ronald Llamas, Cesar Villanueva, at Manny Mamba;
Sa mga hindi kasapi ng Gabinete, pero nakipanday sa Daang Matuwid: Si Governor Say Tetangco, na napakahusay ng pangangasiwa sa Bangko Sentral; si Governor Mujiv Hataman ng ARMM; si Chito Cruz ng National Housing Authority; si Gerry Esquivel ng MWSS; at si Chairman Bong Naguiat ng PAGCOR;
Sa mga dating naglingkod sa Gabinete na talagang nagpakitang-gilas, lalo na sa yumaong si Sec. Jesse Robredo, na hanggang ngayon ay nagsisilbing inspirasyon para sa aming lahat;
Kay Senate President Frank Drilon at Speaker Sonny Belmonte: na talagang nagbigay ng makabuluhang payo sa harap ng mga pinaka-komplikadong hamon; kay Cong. Boyet Gonzales at Mel Sarmiento, at sa iba pang naging katuwang natin sa pagtahak ng Daang Matuwid;
Sa lahat ng pinuno at kasapi ng unipormadong hanay, na buong tapang at kagitingang ipinagtatanggol ang ating mga Boss at nakikiambag sa seguridad, hindi lang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang panig ng daigdig; sa lahat ng nagtatrabaho sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at tunay na naglilingkod sa kapwa Pilipino;
Sa mga negosyante, business federation, at iba pang kabalikat natin sa sektor ng industriya, na nakikiisa sa pagpapaganda ng ating ekonomiya;
Sa mga miyembro ng media na naging patas sa kanilang pagsipat;
Sa lahat ng sinamahan tayo sa pagtahak ng Daang Matuwid; partikular ko na pong babanggitin si Deedee Sytangco na nagpahayag ng pagsuporta, lalo na sa panahong mabigat ang problema, at sina Alice Murphy at Yoly Ong, na naging bukal ng makabuluhang payo at inspirasyon nitong mga nakaraang taon;
Sa grupo nina Jun Reyes at Gigi Vistan na kasama na natin mula pa noong tumakbo ako para sa Kamara hanggang sa Senado. Jun at Gigi, buong pasensya ninyo akong ginabayan sa tamang bihis, tindig, at pagsasalita: Alam ninyong hindi ako tulad ni Kris na sanay sa kamera, at kahit biniro ko kayo na mukhang imposible ang trabaho, naging propesyunal at maaasahan kayo;
Sa aking mga tagapayong spirituwal na sina Father Catalino Arevalo, Sister Agnes, at Father Jett Villarin, pati na kina Cardinal Chito Tagle, Cardinal Orlando Quevedo, Ka Eduardo Manalo, Bishop Soc Villegas, Bishop Jonel Milan, Brother Eddie Villanueva, sa ating religious sector, at sa lahat ng patuloy na nagdarasal para sa akin;
Sa mga tulad ni Joe America, isang blogger na di ko man kakilala ay isinulat: “If the President were in my foxhole, I’d watch his back. That’s because I trust that he is watching mine.” Salamat sa iyo at sa iba pang dayuhang nagpamalas ng pakikiisa sa ating agenda ng pagbabago;
Sa mga kabataang tulad ni Francesca Santiago, na sa murang edad pa lamang ay nagpapakita ng pagmamahal sa bayan;
Kay Noel Cabangon at iba pang kasapi ng sektor ng sining at kultura na ipinapahiram ang kanilang talento upang ipahayag ang pagbabago;
Kina Ate Ballsy, Pinky, Viel, Kris, at sa aking mga bayaw at pamangkin; panahon pa nina Mom at Dad, karamay ko na kayo. Nalalapit na ang araw kung kailan hindi ko na kayo kakailanganing idamay sa dagdag pang sakripisyo;
Special mention din po: Kina General Chito Dizon na dating pinuno ng Presidential Security Group, at sa kasalukuyang timon nito na si Commodore Raul Ubando, na dadalawang linggo pa lang sa puwesto ay nag-baptism of fire na gawa ng krisis sa Zamboanga; kay Lt. Col. Chi Coronel na head ng aking close-in security, at sina SPO4 Lito Africano at PO3 Bong Fuyonan, na napakatagal ko nang kasama; at sa buong PSG, na ipinakita ang propesyonalismo sa pagprotekta hindi lang sa akin, kundi pati kina Pangulong Obama at Pope Francis: Huwag kayong mag-alala, may 21 world leaders pang darating para sa APEC. Karamay ko kayo sa hirap at ginhawa. Malamang, mamaya, bago kayo matulog, tatanungin ninyo kung bakit napakaraming hirap at kung nasaan ang ginhawa;
Kay Asec. Susan Reyes, ang ating Social Secretary, na pinapatunayang di kailangang maging magarbo para itaas ang dignidad ng ating tanggapan; kay Paul Cabral, na laging sinisigurong maayos ang aking kasuotan; at kay Cherry Reyes, na nag-aayos ng aking buhok, at nagmimistulang economics practitioner dahil pinupunuan niya ang unlimited wants with limited resources;
Sa mga kasapi ng aking Private Office sa Malacañang, lalong-lalo na kina Usec. Rochelle Ahorro at Asec. Jun Delantar, na karamay ko sa stress sa maraming pagkakataon;
At kay Yolly Yebes, na namamahala sa aking tahanan. Sinisiguro mong nakakakain ako sa tamang oras, inaayos ang aking gamit tuwing may biyahe sa Pilipinas man o sa ibang bansa, at kung minsan pa nga ay pinagkakatiwalaan pa kitang humawak ng dokumento at nabibilinan para sa aking trabaho. Tunay mong ipinaparamdam ang iyong kalinga hindi lang sa akin, kundi pati sa mga katrabaho ko sa gobyerno. Kapag sinabi kong, “may meeting tayo, pakihanda mo naman ang makakain,” hindi mo na ako tinatanong ng “kailan” o “ilan”; hindi mo na ako pinag-aalala, tinitiyak mo na lamang na lahat ng kailangan ay maasikaso. Yolly, minabuti kong personal mong mapanood ang SONAng ito, para masabi ko sa iyo: Maraming salamat sa pakikiambag mo.
Sa mga hindi nagdalawang-isip na tumulong sa repacking ng relief goods sa panahon ng sakuna; sa bawat Pilipinong naghandog ng anumang halaga at nagpaikot ng alkansya para magdala ng pagbabago; sa lahat ng nagparamdam ng suporta, sa text man, liham, o personal; sa bawat batang yumakap sa aking binti at tiningala ako para ngitian; sa bawat estudyanteng nakipag-selfie; sa lahat ng nakisiksik para makipagkamay:
Mga Boss, baka nga po bahagi ng planong wala pa akong katuwang sa buhay o anak, kaya ang naging tutok ko lang ay ang taumbayan. Sa trabahong ito, para akong punching bag na tinapalan ng katakot-takot na duct tape. Pero hindi ako natinag dahil nasa likod ko kayo. Tunay ngang hindi ako nag-iisa. Ang kongklusyon ko nga po sa lahat ng ito: Talagang ginagabayan pa rin ako ng aking mga magulang; totoong mahal ako ng Diyos. Sa inyong lahat: maraming, maraming salamat. Napakalaking karangalan ang pamunuan kayo.
Ang pasasalamat pong ito, may kasamang panawagan. Ang mga naipunla sa Daang Matuwid, nagdadala na ngayon ng ani, at magdadala ng mas mayabong pang ani sa mga susunod na panahon. Pero mangyayari lang ito kung didiligan at babantayan pa natin ang pananim.
Ilang halimbawa po: Hindi puwedeng putulin na lang ang pagtutok sa modernisasyon ng AFP. Sa Pantawid Pamilya, kapag naitawid na ang bottom 20 percent tungo sa susunod na antas, kailangang siguruhing hindi sila basta-basta babalik sa kahirapan kung tamaan ng sakit o sakuna.
Sa disaster management: Dahil sa malasakit sa isa’t isa, at sa aktibong ugnayan sa mga LGU, naibangon agad natin ang Bohol at Cebu matapos ang lindol. Sa Zamboanga at Tacloban naman, agad nating tinugunan ang pangunahing pangangailangan. Mula sa agarang paghahatid ng pagkain at pagsigurong walang outbreak ng sakit; sa mabilisang pagbabalik ng kuryente, at pagbubukas ng mga kalsada; hanggang sa pabahay at programang pangkabuhayan, ibinuhos at ibinubuhos ng pambansang gobyerno ang lahat ng makakaya. Pero may mga natitira pa pong gawain: May mga komunidad pa rin tayong namumuhay sa peligrosong lugar na kailangang ilayo sa panganib. Para naman sa rebuilding, kailangang paigtingin ang ugnayan ng lokal at pambansang antas, para mapabilis ang mga tinatapos natin.
Sa ugnayang panlabas: Ginawa at ginagawa rin po natin ang lahat para maging responsableng miyembro ng pandaigdigang komunidad; sa bawat hakbang, ang hinihiling lang natin ay ang makatuwiran at naaayon sa batas. Ang problema ng lahat, isinulong nating solusyonan ng lahat, at hindi ng iilang panig lamang. Alam din po ninyo, may hinaharap tayong hamon sa West Philippine Sea. Ang ating kabangga, di hamak na mas lamang, sa impluwensya man, ekonomiya, o puwersang militar. Pero sa batayan ng katuwiran at pagmamahal sa bayan, hindi tayo nahuhuli. Gaya sa lahat ng iba pang suliranin, pagkakaisa po ang tanging susi para mapangalagaan ang ating karapatan.
Mga Boss, sa totoo lang, sa mga hinarap nating hamon, puwede namang nagbigay na lang tayo ng band-aid solution. Puwedeng nag-abot na lang tayo ng isang supot ng relief goods, o nakipagsiksikan sa mga photo-op. Pero alam naman nating sa Pilipinas, galit ang tao sa epal. Aanhin nga naman ang pogi points kung magpapamana lang din naman ako ng problema sa susunod na salinlahi? Sa bawat pagkakataon, hinahanap natin ang tunay na sanhi ng mga problema, at naglalatag ng malinaw at pangmatagalang stratehiya upang malutas ito. Ang mga hamon ng bansa, kung hindi man nalutas na, ay nasimulan na ang mga hakbang upang marating ang permanenteng solusyon.
Iyan nga ang napakalaking pagkakaiba. Dati, walang pag-asa. Ngayon, inaasahan, inaabangan, at madalas nga po ay minamadali pa natin ang gobyernong solusyonan ang mga problemang ating hinaharap.
Magbalik-tanaw po tayo: Sa dami ng mga maling kinailangan nating iwasto, hindi lang tayo nanggaling sa zero, sa negative pa tayo nagmula. Negative sa kasangkapang gumawa ng pagbabago. Negative sa pagkakataon. Negative sa pag-asa. Binuno natin ang lahat ng kakulangan; nagdala tayo ng positibong pagbabago, at lampas-lampas pa talaga sa ating inasahan ang ating narating.
Pakinggan po natin ang ilan pang testimonya nito: [VIDEO 14: PAGASA METEOROLOGIST and VIDEO 15: CONG KAKA BAG-AO]
Mga Boss, kung hindi mapapatid ang transpormasyon, makatuwiran nga pong sabihin: Tikim pa lamang itong nakamtan natin; parating pa lang ang tunay na ihahain. Ang sabi nga po natin: You ain’t seen nothing yet.
Nabanggit ko po kanina ang SWS survey na hindi masyadong naibalita: 8 sa 10 Pilipino, naniniwalang developed o magiging developed country tayo sa hinaharap. Ito po, pananaw ng ating mga kababayan. Pero ang mga ekonomista po mismo ng NEDA, pinag-aralan ito sa siyentipikong paraan, at pareho ang kanilang kongklusyon.
Tingnan natin: Mula 2010 hanggang 2014, nagtala tayo ng average GDP growth na 6.2 percent; ito ang pinakamasiglang yugto ng ating ekonomiya sa loob ng 40 taon. Kung aabot po tayo sa 6.8 percent ngayong 2015, makakamtan natin ang pinakamataas na 6 year average growth sa loob ng halos 6 na dekada. Siyempre po, ang pag-angat ng ekonomiya, may katumbas na pag-angat ng kakayahan ng gobyernong kumalinga at magbigay-lakas sa mamamayan upang masagad ang mga bumubukas na pagkakataon.
Nakikita po ninyo, kung hindi tayo maaantala, kung magtutuloy ang Daang Matuwid, sa loob lang ng isang henerasyon, first world na tayo. Kung magpapatuloy ang mga repormang bukal ng paglago ng ekonomiya, paglaon, ang tinitingala nating mga bansa, makakapantay na natin, kundi man malalampasan. Ito po ba, inambisyon ng kahit sino sa atin noong tayo’y nagsisimula?
Sa kabilang banda naman, kung tayo’y babalik sa baluktot, habambuhay tayong mag-aabang sa wala. Muli tayong mapapag-iwanan, at mababali ang pataas na trajectory ng ating ekonomiya.
Napakaganda na talaga ng ating naipunla, at nagbuhos na tayo ng matinding pagod at sakripisyo upang diligan ito. Sino ba namang nasa tamang isip ang bigla na lamang puputulin ang puno, kung kailan nagsisimula pa lang nating pitasin ang mga unang bunga nito?
May sentimyentong umiiral na sa tingin ko, mahuhuli ng isang tanong: “Lahat ba ng ating naipundar, lahat ba ng ating pinaghirapan, maglalaho dahil lang sa isang eleksiyon?” Sa ganitong pananaw, ang susunod na halalan ay referendum para sa Daang Matuwid. Kayo ang magdedesisyon kung ang pagbabago bang ating tinatamasa ay magiging permanente, o tatanawin lang bilang tsamba at panandaliang pagbangon sa isang mahabang kasaysayan ng pagkakadapa.
Ang tanong: Tama ba itong landas na tinatahak natin? Kung sasabihin ninyong hindi, para na rin ninyong sinabing “Mas gusto ko sa dati; bumalik na lang tayo sa baluktot.” Kung ganoon, ako’y mananahimik na lang.
Pero kung ang tugon naman ninyo ay “Oo,” tulad ng lagi, ako naman po’y handang maging inyong dakilang alalay. Miski sa pagbaba ko sa puwesto, hanggang sa aking huling hininga, makakaasa kayo, gaya ng walang patid ninyong pananatili bilang aking lakas, hindi rin kayo mag-iisa; sasamahan ko kayo, tatabihan ko kayo, magkakapit-bisig nating isasabuhay ang Daang Matuwid.
Mga Boss, aaminin ko: Hindi ako perpekto. Minsan, binigo tayo ng ilang inasahan nating alam dapat ang kanilang trabaho. Sa mga panahong tila gumana ang pagpapaduda, baka hindi rin namin nahanap agad at naibahagi ang impormasyon sa oras at paraang nais ninyo. Hinihingi ko po ang inyong pang-unawa sa mga bagay na ito.
Sa kabila nito, mahaharap ko ang sino man at masasabing: Ginawa ko ang pinakamainam na desisyon batay sa kaalaman at kakayahang mayroon tayo sa panahong iyon. Kaisa-isang interes ko ang kapakanan ng aking Boss. Ginawa ko ang lahat upang iwanang mas makatarungan, mas maunlad, at tumatamasa ng makabuluhang pagbabago ang ating bansa. Hahayaan ko na pong kasaysayan ang humusga. Gaya nga po noong burol ng aking ina, bibigkasin ko ang Ikalawang aklat ni Timoteo, Kabanata 4, Bersikulo 7: “I have fought the good fight, I have finished the race, I have kept the faith.”
Mga Boss, nanggaling tayo sa sitwasyon kung saan tila nababalot ng kadiliman ang ating bansa; ni hindi natin masigurong may liwanag pang paparating. Binabati na tayo ng bukangliwayway ng katarungan at pagkakataon.
Nakita naman ninyo ang mga naabot natin. Narinig ninyo ang kuwento ng kapwa natin Pilipinong pinatunayan ang kayang maabot gamit ang sariling lakas, ang pagbabayanihan, ang hindi pag-uunahan, ang pag-aambagan tungo sa katuparan ng kolektibo nating mga adhikain. Ngayon, taas-noo na tayong humaharap sa buong mundo at nasasabing, “Kaya ko. Kaya ng Pilipino. Simula pa lang ito.”
Opo: Simula pa lang ito. Simula pa lang ng isang bansang hindi mapapayuko, bagkus ay nagiging huwaran ng paninindigan sa buong mundo. Simula pa lang ng ginhawang bunga ng kalayaan mula sa katiwalian. Simula pa lang ng lipunan kung saan ang bawat Pilipino, kung magbabanat ng buto, kung gagawin ang tama, ay tiyak na aasenso. Simula pa lang ito, at hinahamon tayo ng kasaysayang diligan ang transpormasyon, upang magbunga ito ng mas marami pang pagkakataon para sa mga susunod na salinlahi.
Simula pa lang ito. Nasa unang yugto pa lang tayo ng dakilang kuwento ng sambayanang Pilipino. Sa gabay ng Panginoong Maykapal, at sa patuloy nating pagtahak sa Daang Matuwid, lalo pang tatayog ang mga pangarap na maaabot natin. Lalo pang lalawak ang kaunlarang tinatamasa natin.
Maraming, maraming salamat po.